MANILA, Philippines — Magkakaroon ng bilateral meeting sina Pangulong Duterte at Chinese President Xi Jinping sa gaganaping Boao business forum sa Abril 9-11 sa Hainan province, China.
Ayon kay DFA Usec. Manuel Teehankee, tatalakayin ng dalawang lider ang pagpapalakas sa relasyon ng Pilipinas at China partikular ang kooperasyon sa paglaban sa banta ng terorismo at iligal na droga.
Malabo naman daw mapag-usapan ng dalawang lider ang isyu ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.
Ito na ang ikatlong pagkakataon na bibisita si Pangulong Duterte sa China simula ng maupo sa puwesto noong June 2016.
Matapos nito, tutulak si Pangulong Duterte sa Hong Kong para kumustahin ang mga OFW doon.
Nais daw ng Pangulo na personal na marinig ang concerns at makita ang kalagayan ng mga OFW sa Hong Kong.
Babalik ng bansa si Pangulong Duterte sa Abril 12, araw ng Huwebes.