TRAIN bubusisiin sa mataas na inflation, presyo

MANILA, Philippines — Iginiit ng isang senador na muling pag-aralan ang tax reform program ng pamahalaan kasabay ng pagpapahayag ng pagkabahala ukol sa bagong pagtaya sa inflation rate, bukod pa sa mataas na presyo ng produktong petrolyo at bigas sa merkado.

“Nakakaalarma na para sa mga pamilya ang pagtaas ng presyo ng bilihin. Ngayon, mas mataas pa sa inaasa­han ng pamahalaan ang inflation rate,” ayon kay Sen. Bam Aquino, bilang pagtukoy sa ilang pagtaya na ang inflation rate ay maaaring pumalo mula 4.2 porsiyento hanggang 4.8 porsiyento bunsod ng mataas na excise tax.

Ang mga bagong pagtaya ay mas mataas sa pagtaya ng pamahalaan na nasa pagitan lang ng dalawa hanggang apat na porsiyento, ayon kay Bam.

Plano ng senador na maghain ng resolusyon upang alamin ang totoong epekto ng Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law sa inflation at sa ekonomiya.

“Congress should determine the real and actual impact of TRAIN on the economy and especially on the lives of Filipinos,” wika niya na idinagdag pa na ang mataas na inflation ay mauuwi sa mas mataas na antas ng pamumuhay at lalong magpapalala sa kahirapan. 

Show comments