MANILA, Philippines — Sa gitna nang napipintong pag-alis sa bansa ng Uber sa susunod na linggo, iginiit kahapon ni Senate President Koko Pimentel sa Land Transportation Franchise and Regulatory Board (LTFRB) na madaliin ang pagpapasok ng ibang transport network vehicle service (TNVS) players para matiyak na mapapanatili ang kumpetisyon.
Ayon kay Pimentel, marami ang nangangamba na mas magmamahal ang pamasahe kung iisa lamang ang TNVS sa bansa at magkakaroon ng monopolyo ang Grab dahil sa pagbili ng operasyon ng Uber.
Ayon pa kay Pimentel, karamihan sa mga regular na TNVS users ay regular na ikinukumpara ang rates ng Uber at Grab bago mag-book ng biyahe.
Pero mawawala na ang nasabing option sa sandaling masolo ng Grab ang TNVS sa April 9.
Noong March 26, nakuha ng Singapore-based Grab ang Uber’s Southeast Asia operations, kasama ang ride-sharing services sa Pilipinas at maging ang operasyon sa Cambodia, Indonesia, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand at Vietnam.
Ang pinakahuling operasyon ng Uber sa Pilipinas ay sa Abril 8.
Sinabi ni Pimentel na dapat ng bilisan ng LTFRB ang pagpo-proseso ng mga nakabinbing TNVS applications upang matiyak na hindi mamo-monopolyo ng Grab ang industriya ng TNVS.