MANILA, Philippines — Ipinasisibak ng grupo ng mga kabataan sa tanggapan ng Ombudsman si Presidential Communications Asst. Secretary (Asec) Mocha Uson dahil sa umano’y pagpapalaganap ng fake news.
Ito ay matapos sampahan ng kasong administratibo si Uson ng grupong Akbayan Youth sa Ombudsman dahil sa pagkakalat umanp nito ng mga maling impormasyon sa mga tao habang naninilbihan sa pamahalaan.
Inakusahan ng gurpo si Uson ng “gross misconduct, serious dishonesty at conduct prejudicial to the best interest of public service” dahil sa pagpapakalat umano nito ng mga maling balita sa kanyang Facebook account na Mocha Uson Blog habang nakaupong Asec. ng Presidential Communications Operation Office ( PCOO).
Binigyang diin ni Bas Claudio, sec. gen. ng Akbayan Youth UP Diliman na pagsasayang lamang ng pondo ng pamahalaan ang ipinasasahod kay Uson lalo pa’t mula ito sa buwis ng mamamayan gayung wala naman umano siyang ginawa sa kanyang puwesto kundi magpakalat ng maling balita sa mga tao.
Tinukoy ng grupo ang hindi makatuwirang pahayag ni Uson na nagresulta ng “cyber bullying attacks” sa mga mag-aaral ng St. Scholastica’s College at lumikha ng misinformation sa kanyang blog noong Nob. 2016 na nakasulat doon na ang mag-aaral ng naturang paaralan ay kailangang makiisa sa isang protest rally. Anila, ang pananatili ni Uson sa PCOO ay banta rin sa seguridad ng mga taong kumakastigo sa pamahalaan.
Incompetent umano si Uson na hawakan ang kasalukuyang posisyon lalo pa at nagpapakita umano siya ng kawalang alam sa probisyon ng Konstitusyon at maging sa Philippine geography nang sabihin niya na ang Mayon Volcano ay nasa Naga City gayung ang bulkan ay nasa Albay.
Kabilang din ang blog ni Uson noong Agosto 2017 kung saan kinastigo nito ang mga opposition officials na bumisita sa napaslang na si Police Sr. Insp. Mark Garcia kahit na ang naturang pulis ay may isang taon nang patay.
Samantala, sinabi ni Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra sa media briefing sa Malacanang na tiwala silang kayang depensahan ni Uson ang kanyang sarili mula sa akusasyon ng Akbayan Youth.
Hindi rin naniniwala si Guevarra sa akusasyon ng Akbayan Youth na nagpapakalat ng fake news si Uson. Rudy Andal