P1,500 pension sa lahat ng senior citizens

Layunin din ng Senate Bill 1750 na inihain ni Sen. Grace Poe na maamyendahan ang Republic Act 7432 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010 para maisama sa batas ang P1,500 na buwanang pension ng mga senior citizens. Cesar Ramirez

MANILA, Philippines — Isinulong na sa Senado ang panukalang batas na naglalayong bigyan ng buwanang pension na P1,500 ang lahat ng senior citizens sa bansa.

Layunin din ng Senate Bill 1750 na inihain ni Sen. Grace Poe na maamyendahan ang Republic Act 7432 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010 para maisama sa batas ang P1,500 na buwanang pension ng mga senior citizens.

Ayon kay Poe, ang mga senior citizens ay maitutu­ring na pinaka-delikado ang kalagayan at marami na rin silang mga pagsubok na kailangang harapin dahil sa kanilang katandaan.

Dahil sa kalagayan umano ng mga matatanda, dapat silang bigyan ng ispesyal na proteksiyon ng gobyerno.

Kahit aniya sa 1987 Constitution ay kinikilala ang kahinaan ng mga matatanda kaya nagkaroon ng probisyon tungkol sa proteksiyon ng mga ito.

Dahil wala ng trabaho ang karamihan sa mga senior citizens, umaasa na lamang sa tulong ng kanilang mga anak, pension mula sa Social Security System (SSS) o kaya ay Government Service Insurance System (GSIS).

Pero ayon kay Poe, ang nasabing halaga ay hindi sapat dahil ang mga “contributory pensions” ay kalimitang limitado lamang.

Sa ilalim naman ng RA 9994, ang mga mahihirap lamang na senior citizens ang nabibigyan ng P500 tulong mula sa pamahalaan.

Nais ni Poe na gawing P1,500 ang nasabing tulong at ibigay ito sa lahat ng senior citizens.

Upang hindi naman masyadong mahirapan ang gobyerno, ang mga senior citizens na tumatanggap ng buwanang pension mula sa SSS, GSIS at military pension ay makakatanggap lamang ng social pension tatlong taon matapos maging ganap na batas ang panukala.

Show comments