MANILA, Philippines — Nais ni Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III na magpatuloy ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng Communist Party of the Philippines-National Democratic Front of the Philippines (CPP-NDF).
Ayon kay Pimentel, hindi dapat nagpapatayan ang mga Pilipino at dapat magkaroon pa rin ng peace talks kahit pa “formal o informal”.
Sinabi pa ni Pimentel na kung walang peace talks, mas nagiging kumplikado ang sitwasyon.
“Kung walang peace talks, talagang lines are drawn e, so anytime there could be attacks, there could be arrests, there could be killings, ‘yun ang effect noon,” pahayag ni Pimentel.
Nauna rito, isang resolusyon ang isinulong sa House of Representatives upang hikayatin si Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan.
Matatandaan na mismong ang Department of Justice (DOJ) ang naghain ng petisyon sa korte na naglalayong ipadeklarang mga terorrista ang CPP-NPA.
Pero sinabi ni Pimentel na maaari namang bawiin ng DOJ anumang oras ang nasabing petisyon.