MANILA, Philippines — Hawak na ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mag-asawang may-ari ng Dimple Star bus matapos sumuko nitong Biyernes ng gabi sa Camp Crame.
Sinabi ni PNP-CIDG Chief P/Director Roel Obusan na tatapusin nila sa lalong madaling panahon ang imbestigasyon laban kina Hilbert at misis nitong si Nida Napat para masampahan ng kaukulang kasong kriminal.
Ayon kay Obusan, boluntaryong sumuko ang mag-asawa sa PNP-CIDG sa Camp Crame makaraang ipag-utos ni Pangulong Duterte ang pag-aresto sa mga ito nang bumisita sa pinangyarihan ng aksidente sa Sablayan, Oriental Mindoro nitong Biyernes.
Sina Hilbert at Nida Napat ay pinakakasuhan ni Pangulong Duterte sa PNP-CIDG ng fraud at reckless imprudence resulting to multiple homicide and frustrated homicide.
Nitong Marso 20 ng gabi ay aksidenteng nahulog sa tulay at bumulusok sa bangin ang isang bus (TYU 708 ) ng Dimple Star na ikinasawi ng 19 katao kabilang ang driver at konduktor.
Sa inisyal na imbestigasyon nawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver na nagbunsod sa trahedya.
Sinabi naman ng mag-asawa na hindi sila nagtatago at makikipagkooperasyon sa imbestigasyon, tutulungan ang mga namatayang pamilya at mga nasugatang biktima.
Nabatid na suspendido na ang prangkisa ng Dimple Star dahil sa serye ng mga paglabag at pagkakasangkot ng mga bus nito sa sakuna.
Samantala ipinasusurender din ang plaka ng nasa 118 bus nito hanggang Marso 26 ng taong ito.