Pagsasara sa Boracay Island tuloy na
MANILA, Philippines — Tiniyak ni Tourism Secretary Wanda Teo na wala nang makakapigil pa sa pagpapasara sa Boracay Island sa kabila ng mga panawagang huwag isara ang isla dahil hindi lamang turismo kundi kabuhayan at trabaho ng mamamayan ang apektado.
Ayon kay Teo, ang pinag-uusapan na lamang ay kung kailan at kung gaano katagal itong isasara para linisin pero inaasahang sa lalong madaling panahon ay maihayag na ni Pangulong Duterte ang kanyang pasya sa isinumite nilang rekomendasyon na isara simula sa April 26 ang Boracay island.
Sinabi ni Teo na kung makikipagtulungan ang mga negosyante at mamamayan ng Boracay, puwede nilang mapaikli ng dalawa hanggang tatlong buwan ang pagsasara ng isla sa halip na anim na buwan tulad ng kanilang rekomendasyon.
Kinontra rin ni Teo ang pangambang may 36,000 workers ang mawawalan ng trabaho sa sandaling ituloy ang pagpapasara sa Boracay island.
“They said they will not lay off workers. They will still rehabilitate the hotels, clean the hotels,” sabi ni Sec. Teo.
Sa halip, dagdag pa ni Teo, kukuha pa ng additional na tauhan ang gobyerno upang magtrabaho sa gagawing clean-up sa Boracay.
“Marami rin namang kukuning tao... so siguro maliit na lang ang maiiwan na walang trabaho,” dagdag pa ng DOT chief.
Aniya, magbibigay din ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga manggagawang maaapektuhan sa Boracay sa sandaling ipasara ito.
Siniguro naman ni Presidential Spokesman Harry Roque, sakaling magdesisyon ang Pangulo na ipasara ang Boracay island ay itataon ito sa ‘lull days’ kung saan ay madalang ang nagtutungong mga turista.
Magugunita na inirekomenda ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Interior and Local Government (DILG) at DOT ang pagpapasara sa isla para sa rehabilitasyon nito sa loob ng 6 buwan hanggang 1 taon. - Rudy Andal
Related video:
- Latest