‘Wala naman akong kasalanan’: Aguirre hindi magbibitiw
MANILA, Philippines — Sa kabila ng mga panawagan sa kaniyang pagbibitiw, walang balak lisanin ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang kaniyang pwesto lalo na’t pinagkakatiwalaan pa rin aniya siya ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Nakausap ko na ang ating Pangulo and I could not feel that whiff of no trust—no trust and confidence from him. But—and besides there is no reason why I should resign because wala naman akong kasalanan,” paliwanag ni Aguirre kahapon.
Sinabi ni Aguirre na hindi siya kapit-tuko sa pwesto kaya naman kung dumating ang panahon na hindi na kumpiyansa sa kaniya si Duterte ay kaagad siyang magbibitiw.
BASAHIN: De Lima kay Aguirre: ‘Wag mag-resign, bagay ka sa tiwaling gobyerno
“But even if wala akong kasalanan, if the President says so o iyon nga nakaramdam ako na kulang na iyong pagtitiwala sa akin. Mabilis pa sa alas kuwatro, resign tayo. Sapul at sapul iyan ang sinasabi ko,” dagdag niya.
Umugong ang panawagan sa kaniyang pagbibitiw matapos irekomenda ng mga prosecutor ng Department of Justice na ibasura ang kasong may kinalaman sa ilegal na droga laban sa mga pinaniniwalaang big-time drug lords ng bansa na sina Peter Lim at Kerwin Espinosa.
Nasundan pa ito ng pagpasok ng tinaguriang pork barrel scam mastermind Janet Lim Napoles sa witness protection program ng gobyerno.
Sinabi ni Aguirre na ginagamit lamang ang mga isyu na ito upang siraan siya dahil sa politika.
Tinukoy ng kalihim ang isang Congressman Suarez na makakalaban aniya ng kaniyang anak sa darating na 2019 midterm polls.
“But before these, mayroon ng nakisawsaw diyan, iyong mga—nadagdagan nitong mga politicians eh! Gawa ng iyong isang Congressman diyan sa House ay nang malamang iyong aking anak ay tatakbo doon sa kaniyang distrito and we will fight their dynasty, nag – Suarez, yes – binanatan na ako,” sabi ni Aguirre.
Isa sa mga matagal nang nananawagan sa pagbibitiw ni Aguirre si Sen. Risa Hontiveros, habang pinagpapaliwanag naman ni Quezon Third District Representative Danilo Suarez si Aguirre sa pagkakabasura ng kaso laban kina Lim at Espinosa.
- Latest