MANILA, Philippines — Magpapalakas sa ‘labor force’ ng bansa ang unang batch ng mga graduates ng K to 12 program.
Ayon kay Education Undersecretary Tonisito Umali, ang mga magsisipagtapos sa ilalim ng technical-vocational-livelihood (TVL) track, o ang grupo na wala nang plano pang magpatuloy ng kolehiyo ay nahubog na para isabak sa trabaho.
“Itong grupo na hindi magpapatuloy ng kolehiyo tulad ng mga mag-aaral natin na kumuha ng tech-voc track, ‘yan po ang sinasabi nating handa na, among others,” sabi ni Umali.
Sinabi ni Umali, handa na ring magtrabaho ang iba pang nagsipagtapos ng K to 12 program, kung nanaisin ng mga ito.
Kumpiyansa rin naman si Umali na handa na sa kanilang napiling larangan ang K to 12 graduates dahil kasama na sa kanilang curriculum ang work-related immersion na kinuha nila ng 80 hanggang 300 oras.
Ngayong Abril ay magsisipagtapos na ang unang batch ng mga mag-aaral na kumuha ng K to 12 program na sinimulang ipatupad noong panahon ng administrasyong Aquino.
Sa ilalim ng programa, sa halip na 10 taon lamang ang basic education ng mga mag-aaral, ay magiging 13 taon ito, kabilang na ang isang taon sa kinder at dalawang taon sa senior high school.
Layunin ng programa na gawing globally competitive ang mga Pinoy graduates.