Pag-abswelto kay Kerwin bubusisiin ni Duterte
MANILA, Philippines — Rerepasuhin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kaso ng mga drug lords na ibinasura ng mga prosecutors ng Department of Justice (DOJ).
Ito ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) chief, Dir. Gen. Ronald “Bato “ dela Rosa sa gitna nang pagkakabasura ng DOJ prosecution panel sa drug case laban sa tatlong hinihinalang drug lords na sina Kerwin Espinosa, Peter Lim at Peter Co.
“He (President Duterte) told me that he is going to review. He is going to use his power to review over resolutions coming out from the DOJ especially resolutions dismissing drug cases,” pahayag ni dela Rosa matapos silang magkausap ni Pangulong Duterte sa pagdalo sa graduation ceremony sa Philippine Military Academy (PMA) sa Baguio City kahapon.
Aminado si dela Rosa na dismayado ang 185,000 pulis sa pagkakabasura ng DOJ sa drug case ng tatlong drug lords at iba pa pero magsisilbi itong wake call din umano para sa kanila upang mas doblehin pa ang kanilang pagtatrabaho.
Base sa 41-pahinang resolusyon na inaprubahan ni Acting Prosecutor General Jorge Catalan nitong Disyembre 20, 2017, hindi umano maaaring gawing matibay na ebidensya ang mga salu-salungat na pahayag ng testigong si Marcelo Adorco, driver bodyguard ni Espinosa.
Dahil dito, labis na ikinagalit ni Duterte ang pagkaka-dismiss sa kaso at binantaan pa niya si Justice Sec. Vitaliano Aguirre na ipapalit niya ito kay Kerwin sa kulungan kaya muling bumuo ng panibagong panel ang kalihim at nagsumite ng “motion for reconsideration” ang PNP-Criminal Investigation and Detection Group.
Samantala, taliwas sa pahayag ni Presidential Spokesman Harry Roque, muling pinanindigan ni dela Rosa na namaga ang kamao ni Pangulong Duterte matapos mapasuntok sa dingding ng Malacañang nang mabatid na ibinasura ng DOJ ang kaso nina Espinosa, Lim at Co na nasa narco-list ng Pangulo.
Una rito, sinabi ni Roque na hindi niya nakitang namamaga ang kamay ng Punong Ehekutibo.
- Latest