Palawan, hindi dapat matulad sa Boracay

Ayon kay Father Ed Pariño, Social Action Director ng Diyosesis, kinakailangang maalarma na ang mga lokal na pamahalaan ng Coron at iba pang bahagi ng Palawan sa nangyayaring suliranin ngayon sa isla ng Boracay.
Nebres Fernan Jr.

MANILA, Philippines — Hinimok ng Social Action Center ng Apostolic Vicariate of Taytay Palawan ang kanilang Sangguniang Bayan na patatagin ang batas sa kanilang komunidad na mangangalaga sa kalinisan sa isla ng Coron.

Ayon kay Father Ed Pariño, Social Action Director ng Diyosesis, kinakailangang maalarma na ang mga lokal na pamahalaan ng Coron at iba pang bahagi ng Palawan sa nangyayaring suliranin ngayon sa isla ng Boracay.

Iginiit ng Pari na dapat maagapan ang pagdami ng mga basura at pagdumi ng tubig dagat upang mapreserba ang mga naggagandahang isla sa Pilipinas at patuloy na magkaroon ng kabuhayan ang mga lokal na residente.

Naniniwala rin ang Pari na mahalaga sa pa-ngangalaga sa kalikasan ang pagsasakripisyo ng mamamayan at ng lokal na pamahalaan.

Inihalimbawa pa ni Father Pariño ang paghihi­walay ng mga basura sa loob ng tahanan na siyang mabuting simula upang maipalaganap ang proper waste segregation at disposal.

Gayunman, sinabi ng Pari na mawawalan din ito ng saysay kung wala namang kaakibat na ordinansa sa waste segregation at recycling ang mga munisipyo.

Matatandaang nitong Pebrero inatasan ni Pangulong Duterte ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa pangu-nguna ng Department of Environment and Natural Resources na linisin o i-rehabilitate ang isla ng Boracay, matapos tumambad sa Pangulo ang maraming namuong coliform sa tubig dahil sa hindi maayos na waste disposal ng mga resort sa Boracay.

Show comments