MANILA, Philippines — May positibong resulta ang naging negosasyon ng Pilipinas sa bansang Kuwait para sa mga kasunduan na magbebenepisyo sa mga overseas Filipino worker.
Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na nagkasundo na ang Pilipinas at Kuwait kaugnay sa pinal na balangkas ng memorandum of understanding (MOU) para matiyak ang proteksyon ng mga Pilipinong manggagawa sa Kuwait.
Payag din umano ang Kuwait na gawing akma sa batas ng Pilipinas ang employment contract ng mga OFWs.
Maging ang isyu aniya sa pasaporte ay nalutas na rin makaraang pumayag ang Kuwaiti labor officials na huwag nang kumpiskahin ng mga Kuwaiti employer ang pasaporte ng mga Pilipinong manggagawa.
Sinabi pa ng kalihim na kasunod ng negosasyong ito ay susunod nang itatakda ang paglagda sa kasunduan sa loob ng dalawang linggo na posibleng gawin sa Kuwait.
Nilinaw naman ni Bello na bagamat nais ng magkabilang panig na malagdaan ang MOU sa lalong madaling panahon ay kinakailangan pang magdesisyon ng Kuwait kung sino ang lalagda sa kasunduan, ang labor minister ba o ang Emir nito.
Sinabi naman ni Bello na ang paglagda ng MOU ay magiging madali at mabilis kung ang labor ministers ng magkabilang bansa ang lalagda dito.
Sakali naman aniyang magdesisyon ang Kuwaiti government na ang Emir ang lumagda sa kasunduan, mas tatagal ang proseso dahil kakailanganin pang si Pangulong Rodrigo Duterte ang maging counterpart signatory nito.
Pero nauna nang sinabi ni Bello na kahit malagdaan ang MOU, wala pa ring katiyakan na babawiin na ng gobyerno ng Pilipinas ang deployment ban sa mga household workers patungo ng Kuwait.