EU, tuloy ang pagbibigay tulong sa Pinas
MANILA, Philippines — Tiniyak ng European Union na magpapatuloy ang kanilang pagbibigay ng development assistance para sa bansa sa kabila ng pagtutol ni Pangulong Rodrigo Duterte na tumanggap ng tulong.
Sinabi ni Stefano Manservisi, head of the European Commission Directorate General for International Cooperation and Development, na ang pagbibigay ng tulong ng EU para sa Pilipinas ay walang hinihinging kondisyon.
“Our assistance is subject to no unilateral conditions or whatsoever in nature,” wika ni Manservisi.
Matatandaang inihayag ni Duterte na tatanggihan ng Pilipinas ang anumang tulong mula sa isang bansa at ipa pang organisasyon kapag sila’y mangingialam sa panloob na gawain ng bansa.
“Our action is in the framework of Partnership and Cooperation Agreement (PCA),” dagdag ni Manservisi.
Ayon sa delegasyon ng EU sa Manila, pumasok ang Pilipinas at EU sa PCA noong Marso 1.
Ipinagkakaloob ng naturang kasunduan ang bago at mas pinatibay na legal framework kung saan mas mapapalakas ang ugnayan ng EU at Pilipinas partikular sa mga gawaing politikal, sosyal at pang-ekonomiya, maging sa karapatang pantao.
Nauna nang naglagak ang EU ng 260 milyong euros o mahigit 16 bilyon piso na tulong hanggang 2020 para sa bansa.
Bukod pa dito, nangako din ang EU ng 170 milyong euros o mahigit 10 bilyong piso na dagdag tulong pinansyal para sa bansa na gagamitin upang pondohan ang mga proyektong may kinalaman sa enerhiya at para sa pag-unlad ng Mindanao.
Kabilang din sa pangako ang 3.8 milyong euro o mahigit 242 milyong piso na pondo para sa mga programang rehabilistayon na may kinalaman sa problema sa ilegal na droga.
“What is next that needs to be committed is 170 million euros. We’re going to decide on what to do, to focus on energy and Mindanao,” pagpapatuloy pa ni Manservisi.
“We are supporting through a drug rehabilitation program, in which we are addressing how to bring back to normal life people (who) have been into these rehabilitation centers through psychological activity, teaching, education,” dagdag niya.
Magugunitang tinanggihan ng Pilipinas ang alok ng EU na P382 milyon o mahigit anim na bilyong euro na tulong pangkalakalan para sa bansa nitong Enero.
Kinumpirma ni EU Ambassador Franz Jessen na ang pondong nakansela ay dapat na naipatupad sa ilalim ng EU-Philippine Trade Related Technical Assistance noong 2017.
Inamin naman ni Executive Secretary Salvador Medialdea noong Mayo na tinanggihan ng Pilipinas ang tulong mula EU upang maiwasan ang kanilang pangingialam sa mga gawaing panloob ng bansa.
Matatandaang nanawagan ang EU ng isang imbestigasyon sa umano’y extrajudicial killings sa bansa kaugnay ng kampanya ng pamahalaan kontra ilegal na droga.
- Latest