Oplan Tokhang: Ang Pagbabalik!

Ang isang drug suspect na tumimbuwang matapos na pagbabarilin ng anim na lalaki lulan ng mga motorsiklo sa may Tramo St., Pasay City kamakailan. Kuha ni Miguel de Guzman

MANILA, Philippines — Sa mahabang panahon, pangunahing kanser ng lipunan ang ilegal na droga na hindi lang sumira ng buhay ng isang tao ngunit nagwasak sa maraming pamilya. Ilang administrasyon sa pamahalaan ang lumipas at maraming programa kontra droga ang ipinatupad ngunit nanatili itong hindi masugpong problema na nanuot na hindi lang sa mga pamilya ngunit maging sa halos lahat ng institusyong panglipunan.

Sa pagpasok ng admi-nistrasyong Duterte, “battle cry” nito ang pagsugpo sa ilegal na droga ng tatlo hanggang anim na buwan. Naka­paloob sa programa ang “Oplan Tokhang” na unang ipinatupad niya sa lungsod ng Davao noong alkalde siya nito. 

Ano nga ba ang Oplan Tokhang? Ang salitang Tok­hang ay kinuha sa salitang Bisaya na “Toktok” (katok) at “Hangyo” (makiusap). Nanga­ngahulugan ito ng pagkatok ng mga awtoridad sa bahay ng mga pinaghihinalaang sangkot sa ilegal na droga at makiusap na sumuko na at magbagong-buhay na sila.

Agad na ipinatupad ang Oplan Tokhang noong Hul­yo 2016. Nakapaloob sa programa ang pagtukoy ng mga opisyal ng barangay sa mga hinihinalang drug personalities sa kanilang nasasakupan. 

Kasabay ng pagkatok sa mga bahay, sunud-sunod din ang pagbulagta ng mga drug personalities sa mga police operations dahil sa umano’y panlalaban ng mga suspek habang marami rin ang napatay ng mga lalaking naka-bonnet at sakay ng mga motorsiklong walang plaka na tila mga alagad ni Kamatayan tuwing gabi.  Ilan pang isyu ang pagkatok sa mga bahay na wala naman sa listahan at pagpasok sa mga ekslusibong subdibisyon.

Iginiit naman ng PNP na walang namatay sa aktuwal na “Tokhang” o pagkatok sa mga bahay ngunit ang mga napapaslang ay resulta ng hiwalay na ‘anti-drug operations’. Giit naman ng kaanak ng mga biktima, kapag kinatok ang isang drug suspek sa ilalim ng Tokhang, malaki ang posibilidad na ito ang susunod na mapapaslang.

Ayon sa iba’t ibang gru­pong tumutuligsa sa Oplan Tokhang, higit sa 7,000 katao ang napaslang kabilang ang mga nakatok.  Sa opisyal na datos ng PNP mula Mayo 2016-Pebrero 2018, nasa 4,416 katao ang napaslang na may kaugnayan sa ilegal na droga.  Sa naturang datos, nasa 2,546 ang napaslang sa mga police operations, nasa 1,618 naman ang pinatay ng mga hindi nakikilalang salarin, at 252 ang mga bangkay na natagpuan malayo sa lugar ng krimen o mga “found dead bodies”.

Ngunit hindi kinaya na wakasan ang problema sa ilegal na droga sa loob ng anim na buwan at humingi ng ekstensyon ang Pangulong Duterte. Kasabay ng pagdanak ng dugo at pagtaas ng “body count” ang pagtuligsa sa programa ni Pangulong Duterte mula sa Commission on Human Rights (CHR), mga international human rights group, lokal at maging internasyunal na media.  Sa huli, itinigil ang Oplan Tokhang nitong Oktubre 2017 at ibinalik sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pangunahing obligasyon sa pagsugpo sa ilegal na droga.

Pero dahil sa may higit 1,700 tauhan lamang ang PDEA, naging kapos ang paglaban nito sa iligal na droga kaya minabuting ibalik ang Oplan Tokhang ng PNP nitong Enero 29, 2018.  Upang maiwasan ang batikos, nagtakda ng mga bagong  panuntunan ang PNP sa implementasyon nito. 

Kabilang dito ang: Pagli­mita sa pagbisita sa bahay ng mga suspek mula Lunes-Bi-yernes at tuwing araw lamang; ang mga ka­katukin ay base lamang sa berepikadong intelligence report at opisyal na listahan; nasa tamang uniporme ang mga pulis na magsusuot na rin ng body cameras, at pagsama sa mga kinatawan ng barangay, human rights group at simbahan sa mga Tokhang operations.  Magpapatupad ng “one strike policy” ang PNP sa mga opisyal kung may hindi masusunod na panuntunan sa bagong Oplan Tokhang.

Dalawang linggo matapos ang bagong Oplan Tokhang, ipinagmalaki ng PNP na walang napaslang sa kanilang mga operasyon habang nasa 6,253 drug personalities agad ang nadakip sa ikinasang 4,058 operasyon. Ayon sa PNP, nasa 3,456 Tokhang ope­­rations ang kanilang ginawa sa 17 rehiyon sa bansa na nagresulta sa pagsuko ng may 1,573 drug personalities. 

Maging ang CHR ay napansin ang malaking pagbabago.  Sinabi ni Jackie De Guia, tagapagsalita ng CHR na nagkaroon na ng magandang pagbabago sa Oplan Tokhang ngunit patuloy pa rin umano silang nagbabantay sa mga pag-abuso lalo na sa ibang operasyon na parte ng ‘anti-illegal drugs operation’ ng PNP.

“But tinitingnan nating mabuti kung paano napapa­tupad ‘yung Oplan Tokhang. Of course, that’s just one component of the campaign against drugs. Marami pa ring operasyon na nangyayari araw-araw. Pare-parehong sinusuri natin ‘yan,” ani De Guia.

Matapos nito, naglabas ang PNP ng datos na 88 drug suspect ang napatay 5,636 operasyon mula nang tumulong sila sa PDEA sa anti-drug campaign mula Disyembre 5, 2017 hanggang Pebrero 24, 2018.  May average ito na higit isang drug suspek na napa-patay kada araw.  Hindi talaga maiiwasan ang patayan lalo na’t multi-bilyong industriya ang iligal na droga.

Habang nakatutok ang bansa sa operasyon ng PNP kontra iligal na droga, unti-unti namang tumutulong ang mga lokal na pamahalaan, mga non-government organizations at ang simbahan sa aspeto ng pagbabagong-buhay ng mga drug personality na sumuko sa Oplan Tokhang sa pamamagitan ng rehabilitasyon.  Naniniwala ang ibang stakeholders na patuloy lamang na magi-ging problema ang adiksyon sa iligal na droga kung hindi mababago ang buhay ng mga sugapa na umano’y biktima rin ng palpak na sistema ng lipunan.

 Sa kabila ng mga batikos, pagkakaiba ng paniniwala, at pagkontra sa pamamaraan, patuloy namang sinusuportahan ng maraming Pilipino ang pagsugpo sa iligal na droga at pagpapanumbalik ng katiwasayan sa bansa.

Show comments