‘Short Ride’ at Turismo Motorsiklo

Nasa larawan ang isang grupo ng mga riders na sumubok ng ‘short ride’ o iyong hindi lalagpas ng 100 kilometro mula sa Metro Manila.

MANILA, Philippines — Isinusulong ngayon ng Department of Tourism (DOT) ang ‘motorcycle tou­rism’ upang pasiglahin ang lokal na turismo sa bansa at makatulong sa paghahatid ng kabuhayan sa mga liblib na lugar na nararating ng motorsiklo.

Sa Timog Silangang Asya, tanging ang Pilipinas ang wala pang Motor Tourism Council na binubuo ngayon ng DOT. Dito sasamantalahin ang sigla ng industriya ng motorsiklo na nakikita ngayong pinakamabentang uri ng transportasyon dahil sa bigat ng trapiko hindi lang sa Maynila ngunit maging sa ibang pangunahing lungsod sa bansa at ang dami ngayon ng mga motorcycle clubs.

Sinaliksik ng Pilipino Star NGAYON ang tatlong pinaka-popular na mga destinasyon sa isang ‘short ride’ o iyong hindi lalagpas ng 100 kilometro mula sa Metro Manila at mga pamamaraan ng mga riders para makatulong sa turismo.  Ang mga impormasyon ay nakalap sa pamamagitan ng social media pages ng Motorcycle Rights Organization (MRO), Kymco Agility Club Phils (KACP), Novaliches Spartacus Club at Motorcycle Philippines Federation.

1.  Tagaytay City. May distansyang kulang sa 70 kilo­metro mula sa Maynila, nangunguna pa rin ang lungsod ng Tagaytay sa paboritong destinasyon ng mga riders na nais magrelaks tuwing ‘weekend’.  Karaniwang bumibiyahe ng madaling araw ang mga MC groups at nag-aalmusal o nanananghalian sa mga restoran sa paligid ng sikat na tanawin ng Bulkang Taal.

Isa sa kinahuhumalingan ng mga riders ang malamig na klima, magandang ta­nawin, mataas na elebasyon, at maraming pagpipilian na mga restoran bukod pa sa maaaring makabalik ng Maynila ng dalawa hanggang tatlong oras na biyahe.

“Maraming long stretches tapos yung temperature.  Sa motorcycle tourism, sinubukan namin ang iba’t ibang lugar na makakainan at pahinga na rin.  Tapos kuha ng pictures at saka ipo-post online,” ani Albert De Leon, may-ari ng limang motorsiklo.

2.  Marilaque Loop (Manila-Infanta Road). Unti-unti namang dumidikit sa Tagaytay ang Marilaque Loop na paanan ng Sierra Madre at binabagtas ang mga bayan ng Baras, Tanay sa Rizal, Sta. Maria sa Laguna hanggang bahagi ng Infanta sa Quezon.  Tulad ng Tagaytay, sikat itong destinasyon ng mga riders dahil sa malamig na klima at mataas na elebasyon habang isang hamon ang mga matatalim na kurbada ng kalsada na swak sa mga mahihilig sa malulupit na “bangking”.

Ngunit hindi tulad ng Tagaytay na bumibigat ang trapiko lalo na kung ‘weekend’ at bakasyon, nananati­ling maluwag ang trapiko sa Marilaque na gustung-gusto ng mga rider.  Nakahilera na rin dito ang napakaraming restoran sa pisngi ng Sierra Madre.

Karaniwang madaling araw pa lamang ay bumibiyahe na ang mga riders patungo ng Marilaque upang masaksihan ang bukang-liwayway at ang dagat ng ulap na tumatabon sa ibabaw ng kabundukan.

3.    Rizal Loop. Dahil sa kanugnog lang ng Metro Manila, paborito ring pasyalan ng mga riders ang mga bayan sa lalawigan ng Rizal na may kanya-kanyang katangian na iniaalok sa mga bisita.  Sa Antipolo matatagpuan ang Our Lady of Good Voyage kung saan pinabebendisyunan ang mga motorsiklo at ibang pang sasakyan para sa ligtas na biyahe.  Naririto rin ang ‘overlooking’ sa Sumulong Highway na hilera ng mga restoran at makikita ang kinang ng Metro Manila tuwing gabi.

Sa bayan ng Rodriguez, ang ipinagmamalaking Wawa Dam.  Sa Tanay, matatagpuan ang napakaraming mga talon na nangunguna ang Daranak Falls at ang Regina Rica na destinasyon ng mga nais mapalapit sa kalikasan at sa Pililla makikita ang Wind Farm na katulad ng mga dambuhalang elisi sa Ilocos. Halos lahat ng bayan ay may ipinagmamalaking mga lumang simbahan na pasok sa mga larawan na pang-Instagram.

Malaking tulong din umano ang mga litratong kanilang nakukuha sa mga magagandang tanawin at ipino-post sa social media upang makilala ang mga ito at dagsain pa ng mas maraming turista, ayon kay Michael Abinal.

“Puwede mo i-post yung pictures ng rides at landmarks to promote tourism, eventually dadami na ang magtatanong paano magpunta or kung puwede sumama sa next rides. If madami magpupunta, ma­daming magtatayo ng establishments, and kapag nakita ng local government,  maglalaan sila funds for cleaning, development and preservation ng historical landmarks, this may become tourist attraction,” ayon naman kay Harris Singh ng Cavite.

Naniniwala naman ang lady rider na si Patricia Jaime, isang tourism graduate, na pinakapraktikal ang paggamit ng motorsiklo kung gustong mapuntahan ang mga pinakamagagandang lugar na hindi kayang abutin ng 4-wheel na sasakyan.

Sa huli, ipinayo sa mga kapwa rider ni MJ Punzalan Amoroso, ng Novaliches, Quezon City na palagiang magsuot ng safety gears, pang-iingat at respeto sa batas trapiko kung magsasagawa ng ‘group rides’ upang mas lalong maisulong ang ‘Motorcycle Tourism’ sa bansa.

Show comments