Fake News!
MANILA, Philippines — Magmula nang sumulpot ang internet at social media – isinilang din ang tinatawag na “fake news” o balitang walang katotohanan. Ito ang sa tingin ko’y nangungunang kalaban ng katotohanan na nakapipinsala sa moralidad ng sangkatauhan. Nakasisira dahil ito’y nagdudulot ng galit at pag-aalitan ng mga mamamayan, personal man o may kinalaman sa politika.
Sa nakalipas na ilang buwan, tinatalakay ng Senate Committee on Public Service sa pangunguna ni Sen. Grace Poe ang suliraning ito na nagdudulot lang ng pagkakahati at sigalot sa ating lipunan lalo na sa larangan ng politika. Noong nakalipas na Huwebes ay kabilang ako sa mga media practitioners na naanyayahang dumalo sa Senate hearing, at doo’y panauhin ang ilang dayuhang opisyal ng FaceBook na nagsilbing resource person hinggil sa disinformation na nangyayari sa naturang social media platform.
Kung tutuusin, hindi na bago ang fake news. Sapul nang magsimula ang sangkatauhan at ang sibilisasyon, naging bahagi na ito ng buhay ng tao. Ang pagkakalat ng maling balita para siraan ang isang kagalit ay matatawag na fake news.
Sa pag-unlad ng technolohiya sa komunikasyon at pagsilang ng social media, binansagan itong fake news na nangyayari hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa.
Bilang chairman/president din ng Philippine Press Institute (PPI), regular kaming nagsasagawa ng mga roadshows at seminar para magkaroon ng public awareness ang sambayanan tungkol sa malaking problemang ito, at kung papaano mabawasan man lang ang lagim na maaari nitong ihasik. Nakalulungkot ngunit ang paglaganap ng maling impormasyon ay imposibleng ganap na mapuksa.
Kamakailan lang ay nagsagawa ng survey ang Massachusetts Institute of Technology at lumalabas na ang mga palsipikadong balita ay higit na pinaniniwalaan ng mambabasa kaysa totoong balita. Iyan ang global trend ngayon na naglalagay sa panganib sa buong daigdig.
Madalas na tumatanggap tayo ng mensahe sa messenger ng FaceBook na nagbababala sa diumano’y mga uri ng softdrinks at candy na hinaluan ng dugong kontaminado ng HIV-AIDS. At ang katakataka, ang nagpadala ay isa sa ating mga kakilala na kung tatanungin mo ay hindi naman pala siya ang nagpadala ng mensahe.
Ang tanging solusyong naiisip ko ay, huwag agad maniniwala sa mga nababasang impormasyon lalo pa’t ang mga ito ay “too good or too bad to be true.” Sa panahon ngayon, hindi lamang yung mga nasa journalism profession ang dapat magsagawa ng beripikasyon sa mga balitang natatanggap kundi maging ang mga ordinaryong mamamayan. Madaling gumawa ng tinatawag na fact-checking na ang gamit ay ang internet din. Siguruhin lamang na ang mga pinupuntahang website ay yung mga lehitimo at mapananaligan. Mag-iingat din sa mga gumagamit ng logo ng mga lehitimong media entity at malalaman lang na sila’y mga bogus kung titingnan ang mga URL ng mga ito.
Malaki na ang iniunlad ng larangan ng mass media. Kung dati’y ang media lamang ang malayang nakakapaghatid ng impormasyon sa madla, ngayon, kahit ang madlang-tao ay puwede na ring maghayag ng kanilang komento sa mga nangyayari. Ito ang tinatawag nating interactive media na noong araw ay hindi naranasan ng taumbayan.
Nais ng Senado na makabuo ng lehislasyon para labanan ang pagpapalaganap ng pekeng balita. Ngunit sa personal kong palagay, hindi mapipigilan ang paglaganap ng mga balitang walang katotohanan. Unang-unang, hindi puwedeng isabatas ang magandang asal at ugali.
Ang maaari lamang gawin marahil ay palakasin ang mga araling nauukol sa kabutihang asal (good manners and right conduct) sa elementarya at ethics sa high school at kolehiyo.
Kung ating babasahin ang mga nakapaskel na impormasyon sa FaceBook halimbawa, mababasa natin ang mga mapanirang impormasyon laban sa kung sinong tao o political figure na mabilis naming pinaniniwalaan ng mga mambabasa.
Kahit lihis sa katotohanan, ang iba’y nagpapahayag din ng mga masasakit na komento laban sa taong sinisiraan. Kung minsan, kahit yung mga ordinaryong mamamayan na nag-aalitan ay nagbabatuhan din ng mga maaanghang na salita laban sa isa’t isa.
Mapanganib ang mga maling impormasyon dahil maaaring magdulot ng pagkakawatak-watak sa ating bayan at lipunan. Karaniwan na kasing ginagamit ito ng mga tiwaling politiko para wasakin ang kanilang mga kalaban sa politika. At sa mga pagbabangayang political sa social media, pati ang mga taumbayan na sumusuporta sa magkabilang kampo ay nagmumurahan na rin.
May solusyon ba ang problema? Ang nakikita kong solusyon ay wala sa pagpapatibay ng bagong batas kundi nasa pagiging mapanuri ng taumbayan sa lahat ng mga balitang tinatanggap nila.
Matuto tayong magsuri at tulad ng prinsipyo na sinusunod sa larangan ng pamamahayag “check and double check your facts.”
- Latest