MANILA, Philippines — Pinaigting pa ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagmomonitor sa banta ng terorismo sa Mindanao.
Ito’y sa gitna na rin ng napaulat na pagre-recruit at pagpapalakas ng puwersa ng Maute-Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) sa ilang bahagi ng Mindanao.
Ayon sa report, 10 dayuhang terorista na karamihan ay mga Indonesian ang namonitor na nagre-recruit ng mga sasapi sa ISIS partikular na ang mga kabataan sa Brgy. Akol at Datu Maguiles sa Palimbang, Sultan Kudarat at Brgy. Kiayap sa Maitum, Sarangani.
Isa sa mga Indonesian na umano’y pinaghihinalaang terorista na kinilalang si Mushalah Somina Rasim alyas Abu Omar ang nasakote ng security forces sa Brgy. Colube, Palimbang, Sultan Kudarat noong Marso 10 ng taong ito pero nakatakas ang siyam nitong kasamahan.
Samantala kinumpirma naman ng ilang opisyal ng security forces na tinatayang nasa 20 Maute-ISIS ang nasa Lanao kabilang na ang mga nasa aktibong recruitment.
Nasa 23 rin sa mga lider ng mga terorista na nakakalat sa Central Mindanao, Lanao, Sulu habang ang iba pa ay maaring nasa Tawi-Tawi ang nag-aagawan umano para maging Emir ng ISIS sa Southeast Asia kapalit ng napaslang na si Isnilon Hapilon.
Kaugnay nito, nanawagan si Bulalacao sa mga target ng recruitment ng ISIS lalo na sa mga kabataan na huwag maniwala sa mga huwad na pangako dahil ikapapahamak nila ito.