MANILA, Philippines — Iniurong ng 29-anyos na buntis ang kasong rape laban sa tatlong pulis na nanggahasa umano sa kanya sa isang buy-bust operation sa Meycauayan, Bulacan nitong nakaraang linggo.
Sa isang ipinadalang text message sa Philippine National Police (PNP), sinabi ng ginang na wala na siyang lakas ng loob na ipagpatuloy pa ang kaso dahil sa siya din aniya ang nahihirapan at nasasaktan.
“Ayoko na pong lumaban… Wala na akong lakas ng loob. Anuman po ang mangyari sa amin, Ma’am, Sir, ipapasa-Diyos ko na lang po ito. Alam naman ng Diyos ang totoo. Ako ang nahihirapan at nasasaktan,” wika ng ginang.
Idinaing din niya ang pagkadamay ng kanyang mga anak na aniya’y nahihirapan nang mag-aral dahil sa tukso na kanilang nagtatanggap.
“Kaya sana po pakiusap tama na po. Ayoko na po. Tama na po. Diyos na po ang bahalang gumanti sa akin,” pakiusap pa niya.
Samantala, sinibak sa puwesto ang tatlong pulis na inakusahang nanggahasa sa kanya.
Sinabi naman ni Bulacan police chief Senior Supt. Romeo Caramat na sa provincial office muna mag-uulat ang mga nasipa na pulis habang isinasagawa ang imbestigasyon.
May mga testigo din aniya na magpapatunay na hinalay ang babae sa mga oras na iyon ngunit ayon kay Caramat ay titingnan nila ang lahat ng posibleng anggulo ng insidente.
Bukod pa dito, inihayag din ni Caramat na magsasagawa ng background check sa ginang na sinasabig drug supplier ng ilang nahuling drug suspect sa isinagawang buy-bust.
Maaaring din aniyang gumagawa lang ng ingay ang ginang dahil sa mainit na kalakaran ng ilegal na droga sa naturang lugar.