Digong namaga ang kamao matapos suntukin ang dingding sa Palasyo

MANILA, Philippines — Namaga ang kamao ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos niyang suntukin ang dingding ng Malacanang dahil sa galit nang mabasura ang kasong may kinalaman sa droga laban sa businessman na si Peter Lim at self-confessed drug dealer Kerwin Espinosa.

Inihayag ito ni Philippine National Police chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa ngayong Biyernes bilang pasaring na rin sa mga nagsasabing ito ay “drama” lamang ng pangulo.

“Kapag sinasabi niyo na nagdadrama ang presidente, I tell you. Noong nagalit ang presidente tignan niyo ang kamay ni presidente niya namaga .noong nagalit siya noong nalaman niya ‘yan sinuntok niya yung wall ng Malacanang. Tignan niyo kamao ni Presidente namaga, sa galit niya,” wika ni Dela Rosa.

Ibinasura ng Department of Justice (DOJ) ang kasong may kinalaman sa ilegal na droga na inihain ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) laban kina Lim, Espinosa at iba pa.

Napabalitang nairita si Duterte sa pagkakaabsuwelto ng mga suspected drug lord gayong inamin na ito ni Espinosa.

Nagbanta din ang pangulo na kanyang ikukulong si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II kapalit ni Lim at Espinosa kapag tuluyang napawalang-sala ang dalawa.

Sa bilang mga panawagan ng pagbibitiw, iginiit naman ni Aguirre na hindi siya bababa sa puwesto at sinabing patuloy siyang pinagkakatiwalaan ni Duterte.

Samantala, bumuo ang DOJ ng isang panel na sisilip sa pagkakabasura ng kaso laban sa mga umano’y drug lord.

Show comments