Mga 'pasaway' na Boracay establishments bobombahin

MANILA, Philippines — Handa si Pangulong Rodrigo Duterte na utusan ang mga sundalo na bombahin ang mga establisyemento sa Boracay na hindi sumusunod sa patakaran, ayon sa Malacanang.

Matapos ang pagpapasara sa Boracay West Cove resort dahil sa kakulangan nito ng permit, hinimok ni Presidential spokesman Harry Roque ang mga lokal na pamahalaan na humingi ng tulong mula kay Duterte na handa aniyang magpadala ng mga marines upang magpatupad ng batas sa isla.

“The last I heard is that the local government may even ask the President for assistance to call in the Marines if need be,” wika ni Roque sa isang press briefing.

“So when I heard that report, I told them, ‘send the letter because I’m sure the President will not hesitate to send in the Marines and even use dynamite to blow up the illegal structures there,’” dagdag niya.

Tinawag ng pangulo ang Boracay na “basurahan” at nagbanta na ipapasara ito dahil sa problemang naidudulot ng tambak na basura sa kalusugan at kapaligiran.

Inanunsiyo din niya ang planong paglalagay sa isla sa ilalim ng state of calamity.

Maghahain din aniya siya ng kaso laban sa mga lokal na opisyal na may kagagawan sa pagkasira ng kilalang destinasyon.

Nitong Miyerkules, ipinasara ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan ang Boracay West Cove resort dahil sa pagpapatakbo ng negosyo kahit na walang business permit at dahil sa pagtatayo ng estraktura sa “no-build zone.”

Sinabi naman ng may-ari ng resort na walang legal na basehan ang pagpapasara at sinabing kanilang kukuwestiyunin ang desisyon sa korte.

Samantala, inihayag naman ni Roque na ang pag-apela ng nasabing resort ay hindi makakaapekto sa plano ng pamahalaan na rehabilitasyon ng isla.

“The decision that they are in breach of environment laws as far as I know is immediately executory. And I think the DILG (Department of the Interior and Local Government) and DENR (Department of Environment and Natural Resources) have said that they will demolish West Cove,” sambit ng tagapagsalita.

Kung siya naman ang tatanungin, nais ni Tourism Secretary Wanda Teo na ipasara ang buong Boracay upang mapabilis ang paglilinis sa isla.

“I think it will depend on Secretary Cimatu (partial or full closure) but, for me, I think it should be total because work will be done faster. If it is partial, it will take time and we only have six months to do (the cleanup),” ani Teo.

Nauna rito’y inatasan ni Duterte ang DENR at DILG na humanap ng solusyon sa problema sa isla sa loob ng amin na buwan kung hindi ay matitigil ang turismo sa lugar.

Naniniwala din ang kalihim na ang pagsamantalang pagbabawal sa pagpasok ng mga turista sa isla ay magreresulta ng mas marami pang pagdating ng mga bisita balang araw.

 “We (tourism industry) will be affected by this, but we have to sacrifice,” dagdag niya.

Related video:

Show comments