MANILA, Philippines – Lalong ginanahan si Sen. Antonio Trillanes na ipaglaban ang katotohanan matapos irekomenda ng Pasay prosecutor na kasuhan siya ng kasong sedition.
Sinabi ni Trillanes na isang panggigipit ang desisyon ni Pasay City senior assistant city prosecutor Joahna Lim na kasuhan siya kaugnay ng kaniyang privilege speech sa Senado.
“Maliwanag na baluktot at panggigipit itong kasong ito na nakabase sa privilege speech ko sa Senado na bukod na sa merong constitutionally guaranteed immunity from suit, ay wala akong inincite na kung sino to do anything,” paliwanag ng senador.
Sa kaniyang talumpati nitong Oktubre 2017, sinabi ni Trillanes na dapat ay barilin ng mga sundalo si Pangulong Rodrigo Duterte gamit ang M-60 machine gun dahil sa umano’y tagong yaman.
Inakusahan ng senador ang pangulo at pamilya nito na may P2 bilyon na hindi nakadeklara sa kanilang statement of assets, liabilities and networth.
Dahil dito ay inireklamo si Trillanes ng grupong kilala sa pagsuporta kay Duterte na Volunteers Against Crime and Corruption ng inciting to sedition (Article 142 of the Revised Penal Code), proposing to commit coup d’etat (Article 136 of the RPC) at graft.
“Kung ang pakay nito ay takutin ako para umatras ako sa pagpuna kay Duterte, well, sabi ko nga dati pa, lalo pa akong ginaganahan tumayo laban sa mali at masama,” sabi ni Trillanes.
“Hindi gaya ni Duterte na duwag humarap sa kaso, haharapin ko ito,” dagdag niya.