MANILA, Philippines — Irerekomenda ng isang prosecutor sa Pasay City ang pagsasampa ng kasong sedisyon laban kay Sen. Antonio Trillanes IV matapos ang kanyang pahayag na umano'y nag-uutos sa militar na barilin si Pangulong Rodrigo Duterte dahil umano sa kanyang tagong-yaman.
Sa isang privilege speech sa Senado noong Oktubre ng nakaraang taon, sinabi ng senador na isa mga kilalang kritiko ng pangulo, na dapat barilin ng mga sundalo si Duterte gamit ang isang M-60 machine gun dahil umano sa kanyang hindi maipaliwanag na mga ari-arian.
Umugong ang kontrobersiya hinggil sa umano’y tagong yaman ng pangulo matapos ang paghahain ni Trillanes ng kasong plunder laban sa kanya sa kasagsagan ng 2016 May elections.
Inasukahan ng senador ang noo’y Davao City mayor at ang kanyang pamilya na mayroong 11,000 ghost employees at mahigit P2.4 billion na mga transaksyon sa banko.
Dahil sa komento ni Trillanes, maghahain ang grupong Volunteers Against Crime and Corruption ng kasong sedisyon na base sa Article 142 ng Revised Penal Code (RPC), umano’y pagbabalak ng kudeta ayon sa Article 136 ng RPC, at graft laban sa kanya.
Sakop din ng “inciting to sedition” ang mga pahayag ng senador, ayon sa desisyon na pinirmahan ni Pasay City senior assistant city prosecutor Joahna Lim.
“It is recommended that the within attached information for inciting to sedition… against respondents Senator Antonio F. Trillanes IV, John and Jane Does be approved and filed in court,” saad ng desisyon na may petsang Marso 14, 2018.
Samantala, sinabi ni Lim na ang kasong pakikipagsabwatan at banta ng kudeta ay maaaring di magpatuloy.
“The acts complained of do not show that respondent proposes to other persons the commission of the crime of coup d’etat,” dagdag nito.
Ayon pa ng desisyon, ang komento ni Trillanes ay hindi nangangahulugan ng direktang paghihimok sa iba na may kasamang karahasan, pananakot, pagbabanta, o kataksilan laban sa pamahalaan.
Sa kabilang banda, bumanat naman si Trillanes sa mga abogado at sinabing hindi mapipigilin ng pagsasampa ng kaso ang mga ipinaglalaban ng senador.
“If their objective is to cow me to stop criticizing Duterte, well, just like what I said before, this further encourages me to fight what is wrong and evil,” buwelta ni Trillanes.
“Unlike Duterte who is afraid to face his cases, I will face this,” dagdag ng senador na animo’y pasaring sa pangulo na nagdesisyong kumalas sa International Criminal Court (ICC).
Nauna rito’y posibleng humarap si Duterte sa isang imbestigasyon ng ICC dahil sa kanyang kontrobersiyal na giyera kontra droga.