Aguirre 'di magbibitiw sa kabila ng pag-absuwelto ni Lim, Espinosa

MANILA, Philippines — Hindi bababa sa puwesto si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II kahit na napabalitang nairita si Pangulong Rodrigo Duterte sa pag-absuwelto ng Department of Justice (DOJ) sa businessman na si Peter Lim at sa self-confessed drug lord Kerwin Espinosa.

“Why should I resign? Did I do anything wrong?” wika ni Aguirre sa isang panayam sa The STAR.

Ibinasura ng DOJ ang mga kasong may kinalaman sa ilegal na droga na inihain ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group laban kina Lim, Espinosa at iba pa.

Binantaan ni Duterte si Aguirre na ipapalit kina Lim at Espinosa sa kulungan kung sakaling tuluyang mapawalang-sala ang dalawa.

Samantala, bumuo naman ang DOJ ng isang panel na sisilip sa pagkakabasura ng kaso laban sa mga umano’y drug lord.

Sa kabilang banda, nilinaw naman ni Aguirre na nakipag-usap na siya kay Duterte hinggil sa kaso ni Lim.

“We in the Cabinet only serve at the pleasure of the President. I talked with the President about this (Peter Lim) case and we’re OK,” pahayag niya.

Hindi na lang din pinatulan ng kalihim ang umano’y pagpapakulong sa kanya ng pangulo kapalit ng dalawang drug suspek.

“(It was) part of his (President’s) character as those who know him would know,” dagdag niya at sinabing kumpiyansa siya na patuloy siyang pinagkakatiwalaan ni Duterte.

Iginiit naman ni Aguirre na hindi pa pinal ang pagbabasura ng mga kaso laban sa mga drug lord.

Sa ilalim ng patakaran ng DOJ, nagdedesisyon lamang ang justice secretary sa mga kasong kriminal kapag naiakyat na ang mga ito sa kanyang opisina sa pamamagitan ng “petition for review” o “automatic review” sa mga nakapawalang-saysay na kaso na may kinalaman sa ilegal na droga.

Show comments