Aquino posibleng makasuhan sa Dengvaxia mess
MANILA, Philippines — Maaaring makasuhan si dating Pangulong Benigno Aquino III kaugnay ng gusot sa anti-dengue vaccination program ng pamahalaan, ayon kay Senate blue ribbon committee chairperson Richard Gordon.
Sinabi ni Gordon na bukod kay Aquino ay maaari ring humarap sa mga kasong kriminal sina dating Health Secretary Janette Garin at dating Budget and Management Secretary Florencio Abad.
“Yes. Definitely,” saad ni Gordon sa isang panayam sa ANC Headstart.
Posibleng makasuhan ang nasabing mga dating opisyal ng pamahalaan ng graft and corruption at ng paglabag sa Code of Ethics.
Pagpapatuloy ng senador na isasama din sa mga kakasuhan ang French manufacturer ng dengvaxia na Sanofi Pastuer.
Nauna rito’y naghain si dating Technical education and skills development authority chief Augusto Syjuco ng kasong mass murder at plunder laban kay Aquino at Garin.
Humaharap din si Garin at ang iba pang health officials sa kasong sibil mula sa Public Attorney’s Office.
Samantala, binigyang-diin ni Gordon na ang pagbili ng mga dengue vaccines na nagkakahalaga ng P3.5 bilyon ay “scandalously fast” kung ikukumpara sa karaniwang matagal na budget process.
Dagdag ng senador na minadali ni Aquino ang kasunduan ng pagbili ng Dengvaxia noong siya’y nakipagpulong sa mga opisyales ng Sanofi.
“There was a rush to try and push for this drug [even if dengue] is not even in the top ten killers in the country,” ani Gordon.
Mariin naming itinanggi ni Aquino ang mga paratang ni Gordon.
Sa pagdinig ng Senado, inihayag ni Aquino na ang desisyon ng kanyang administrasyon na bumili ng dengue vaccines mula sa Sanofi ay base lamang sa impormasyon na mayroon sila noon.
“From our perspective, the choice is simple: we can implement it at this point and time for the protection or wait at least a year as a minimum and expose our people to a risk that could have been prevented because of this vaccine,” paglilinaw ng dating pangulo.
Matatandaang sinuspinde ng DOH ang kanilang dengue vaccination program matapos lumabas sa pag-aaral ng Sanofi na may banta ang dengvaxia sa kalusugan ng mga batang hindi pa nagkakaroon ng naturang sakit.
Related video:
- Latest