MANILA, Philippines — Inendorso ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa pagka-senador si Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go, ang kilalang kanang kamay ni Pangulong Duterte.
Ayon kay Sara, kilala niya si Go simula pagkabata niya at hindi anya matatawaran ang loyalty nito sa kanyang amang si Pangulong Duterte kung saan siya nagtrabaho ng napakahabang panahon.
“We all know ang experience ni Bong Go sa government. He has been with PRD from since the 1990’s kaya malaki na ang kaniyang experience sa pang-gobyerno,” sabi ni Sara sa isang panayam.
Ikinatuwa naman at ipinagpasalamat ni Go ang nasabing pag-endorso lalo pa’t ayon sa kaniya ay inspirasyon niya ang mga Duterte sa makatotohanang pagserbisyo sa publiko.
“I am humbled by the endorsement of our beloved City Mayor Inday Sara. The Dutertes, the father, the daughter are my inspiration and the example of being a true public servant. Kahit maaga pa po pag-usapan ang politika, ni ‘di ko pa po naisip ang tumakbo ngunit sa mga salitang binitawan ng ating Mayora Inday Sara, ngayon pa lang nakakataba na ng puso at nakakawala ng pagod,” pahayag ni Go.
Pero ayon kay Go, maaga pa para pag-usapan ang politika.
“Masyado pa pong maaga, ni hindi ko pa naisip po ‘yang bagay na ‘yan at magtrabaho pa po muna ako ngayon. Una ang priority ko ang trabaho at paninilbihan kay Mayor Rody at saka sa bansang Pilipinas,” dagdag ni Go.
Kuwento ni Go, nag-umpisa ang lahat sa komedya ng Pangulo sa kaniya.
“Siguro po, nakikita niya kung paano ako magsilbi since siya nga po ‘yung inspiration ko as public servant at kung papano kami magtrabaho, siguro nakita niya before and after the Senate hearing, napag-usapan namin at medyo nagbibiro siya at na-me-mention niya about sa nangyari sa Senate. Sabi niya, you did a sterling performance sa Senate,” aniya.
Pero kung sakali umanong matuloy siya sa pagtakbo bilang senador, handa na rin siya sa nasabing katungkulan.
Dagdag ni Go, susundin niya kung ano man ang magiging desisyon ng Pangulo.
Related video: