MANILA, Philippines — Bubuksan na ng Commission on Elections (Comelec) sa October 2018 ang filing ng certificate of candidacy para sa 2019 midterm elections.
Ito ang inanunsyo ni Comelec – Election and Barangay Affairs Department director Teopisto Elnas Jr. sa pagdinig kahapon ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms sa panukalang pagpapaliban ng barangay at Sangguniang Kabataan elections ngayong Mayo.
Batay sa inilatag na timetable ni Elnas, mula October 1 hanggang 5 magtatagal ang nasabing filing.
Sa ngayon, ani Comelec spokesperson James Jimenez, ay wala pa rin namang promulgated election calendar para sa naturang halalan.
Nilinaw din ng tagapagsalita na ang inanusyo ng kanyang kapwa opisyal ay tentative pa, at pinagbabatayan lang ng kanilang mga plano.