MANILA, Philippines — Binansagan ni Sen. Leila De Lima nitong Sabado ang kampanya ng pamahalaan kontra ilegal na droga bilang isang “kabiguan” matapos aniya ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakakapasok na rin ang cocaine at ipa bang kartel ng ilegal na droga sa bansa.
“Duterte's announcement that cocaine now easily enters the country and that there are more drug cartels now is again a clear admission that his so-called drug war is an epic failure,” banat ni De Lima na isa sa mga kilalang kritiko ng pangulo.
“Inamin na nya noon na hindi nya kayang sugpuin ang problema sa droga sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan. Ngayon naman ay inaamin nya na mabilis na nakakapasok ang droga sa bansa at patuloy pa ngang namamayagpag ang mga sindikato,” dagdag ng nakapiit na senadora.
Nitong Miyerkules, inamin ni Duterte na bukod sa shabu ay hinaharap na rin ng pamahalaan ang problema na dulot ng pagpasok ng cocaine sa bansa.
Itinuro din ng pangulo ang Mexico at South America na pinagmumulan ng mga kilalang drug cartels na nagpupuslit ng cocaine papasok ng bansa.
“Cocaine is coming in very fast. Pumasok na kasi ang cartel ng Mexico pati South America, so we are dealing now with cocaine and shabu,” sambit ni Duterte.
Dahil dito, kinuwestiyon ni De Lima ang mga hakbang ng pamahalaan sa pagsugpo sa ilegal na droga.
“Paano nangyari ito kung may tunay ngang kampanya laban sa droga?” pagtataka ni De Lima.
Pagpapatuloy ni De Lima na habang mahigit 20,000 na mga “mahihirap” at “small time” na pushers ang napapatay sa drug war ay nanatili namang “untouchable” ang mga big time na drug lords at iba pang suppliers at distributors ng ilegal na droga.
“Wala silang ginawa sa kumpare ni Duterte na si Peter Lim sa kabila ng mga alegasyon laban dito ukol sa droga. Wala silang imbestigasyon man lang sa anak at manugang ni Duterte na itinuturong sangkot sa nasabat na shabung nagkakahalaga ng P6.4 bilyon.” pagdidiin niya.
“Mamili na lang si Duterte ng itatawag sa sarili nya at mga drug warlords nya: palpak, tanga o nagkukunwaring tanga,” banat pa ng senadora.
Dagdag ni De Lima na wala namang nagawa ang kampanya kontra droga ng pamahalaan kundi ang aniya’y malawakang pagpatay sa mga mahihirap at “walang tigil” na pagsira sa mga pamilya at pamayanan.
“The drug supply has not been plugged. The distribution has not been blocked. Kaya, ano nga ba talaga ang nagawa ng kampanya kontra droga?” pasaring pa niya.
Inihayag din ni De Lima na hindi niya na ikinagulat ang pahayag ni Duterte ukol sa pagpasok ng cocaine maging ang pagkalat ng drug syndicates sa bansa.
“This drug war is fake. The people have been duped big time…Enough of the deceptions and the lies! End the killings!” panawagan pa niya.
Sa huli, bumanat din si De Lima sa mga paratang na isa umano siyang “drug queen” na may pakana sa kalakalan ng ilegal na droga sa National Bilibid Prison noong siya’y kalihim pa ng Department of Justice.
“In the meantime, by PDEA's and DOJ's admission, drug trading at the Bilbid continues unabated. Why don't the authorities crack down on the drug lord inmates? Natatakot ba silang bawiin ng mga preso ang mga kasinungalinan laban sa akin? O baka naman kaparte sila sa kita sa kalakalan sa droga? O baka pareho?” wika pa niya.
Kasalukuyang nakakulong sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame si De Lima dahil sa mga kasong may kinalaman sa ilegal na droga.