MANILA, Philippines — Maging ang mga hukom sa lower courts ay hihilingin na rin kay on-leave Chief Justice Ma. Lourdes Sereno ang pagbibitiw nito.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, nakakuha siya ng impormasyon na pati ang mga judges sa lower courts ay plano na ring hilingin ang pagbibitiw ni Chief Justice Sereno.
Ang pagbubunyag ay ginawa ni Roque sa harap na rin ng pag-alma nito sa akusasyon ng Chief Justice na siya’y binu-bully ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Wika pa ni Roque, hindi na kailangang i-bully siya ng Pangulo gayung mismong mga kasamahan niyang mahistrado sa Korte Suprema ay walang kumampi sa kanya at bagkus, lahat ng mga ito ay humihingi na ng kanyang pagbibitiw.
Binigyang-diin pa ng presidential spokesman, mga kasama ni Sereno ang nagsasabing hindi siya karapat-dapat sa Korte Suprema at hindi ang Presidente.
Magugunita na 13 justices ang humiling na magsumite ng indefinite leave si Sereno sa ginanap na en banc meeting ng mga ito.