MANILA, Philippines — Nais ni Senate President Koko Pimentel na tanggalin na ang one-year ban sa pagtatalaga ng mga retirado at nagbitiw na opisyal ng militar at pulisya bilang kalihim ng Department of Interior and Local Government.
Sa panukalang batas ni Pimentel, sinabi nito na ang one year ban ay sagabal sa kapangyarihan ng Pangulo na magtalaga ng kanyang alter-ego.
Ang mga opisyal ng militar at pulisya ay hindi maaring italaga sa pinakamataas na posisyon sa DILG sa loob ng isang taon matapos magretiro o magbitiw sa puwesto.
Naniniwala si Pimentel na walang halaga ang nasabing ban at nade-delay lamang ang pagtatalaga ng Pangulo sa mga karapat-dapat na indibiduwal.
Dapat na aniyang alisin ang ban na nakasaad sa Section 8 ng Republic Act 6975 o ang DILG Act of 1990.
Nakasaad sa nasabing batas na hindi puwedeng italaga ang isang retirado o nag-resign na opisyal ng pulisya at militar bilang kalihim ng DILG kung hindi natatapos ang isang taong ban.
Naniniwala naman si Pimentel na hindi dapat magkaroon ng sagabal sa kapangyarihan ng Pangulo sa pagtatalaga ng mga taong sa tingin niya ay nararapat sa posisyon.