'Bantay Bastos' inilunsad

MANILA, Philippines — Kasabay ng pagdiriwang ng International Women’s Day, inilunsad nitong Huwebes ng isang koalisyon ng mga kababaihan ang kampanyang “Bantay Bastos” na naglalayong mapanagot ang mga lalaki partikular ang mga empleyado ng pamahalaan dahil sa kanilang mga pahayag laban sa mga kababaihan.

Ginawa ng grupong #EveryWowan ang Bantay Bastos na Facebook page kung saan maaaring makapagsumbong ang mga babae kapag sila’y makatatanggap ng “bastos” o “mapanirang” komento mula sa mga kalalakihan lalo na sa mga opisyales ng gobyerno.

Natuon din ang paglulunsad ng programa sa iba pang mga kilos-protesta upang ipanawagan ang pangangalaga sa karapatan ng mga kababaihan at pantay na pagtingin at oportunidad para sa kanila.

Samantala, nagbigay naman ang pamahalaan ng libreng sakay sa tren at ferry upang ipakita ang kanilang respeto sa mga kababaihan.

Sa kasalukuyan, makikita sa naturang Facebook page ang mga litrato ni Pangulong Rodrigo Duterte, Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo at House Speaker Pantaleon Alvarez na may nakalagay na “Wag Tularan!”

Bilang isa sa mga tagapagsalita sa pagdiriwang, muling bumanat si Sen. Risa Hontiveros sa aniyang pagsiklab ng kultura ng “sexism” sa lahat ng antas ng pamahalaan magmula nang magsimula ang administrasyong Duterte.

“That is why our theme today is very appropriate – Bantay Bastos. We will watch and we will guard against sexism, wherever we find it, whether in the halls of government or in our everyday encounters,” wika ni Hontiveros sa kanyang talumpati.

Nagpasaring din ang senadora, na siyang Chairperson of the Senate Committee on Women, kay Duterte at sinabing pinapalakas pa ng pangulo ang “klima ng sexism” gayong mayroong dumedepensa para sa kanyang mga “sexist” na pahayag.

“This is so wrongheaded on so many levels. It assumes that words don’t mean anything in the lives of people. As the war on drugs has painfully shown us, the President’s words are at the very least an incitement to violence. They influence and encourage others to commit violent actions, particularly against women,” dagdag ni Hontiveros.

Iginiit naman ng #EveryWoman na ang pagpapatuloy ng “misogyny” sa bansa ay patunay na takot ang mga opisyal ng pamahalaan sa kapangyarihan ng mga kababaihan.

Nauna nang sinabi ni Hontiveros na dalawang babae ang nakararanas ng panggigipit o namomolestiya bawat araw sa Maynila.

“In Manila alone, according to police reports, there are two women who get harassed everyday. So in a week, the number of women who get harassed and abused is 14,” wika ni Hontiveros.

“If we multiply that number to months and even an entire year, we will arrive at a very alarming and nightmarish statistic,” dagdag ng senadora.

Show comments