Para alisin ang deployment ban
MANILA, Philippines — Pumayag na umano ang Kuwaiti government sa mga kondisyong inilatag ng gobyerno ng Pilipinas para bawiin ang ipinatutupad na total deployment ban ng overseas Filipino workers sa bansang Kuwait.
Sinabi ni Labor and Employment Sec. Silvestre Bello III, pabor ang mga Kuwaiti labor officials sa mga kondisyong nakapaloob sa memorandum of understanding (MOU) para matiyak ang proteksyon ng mga Filipino workers sa Kuwait lalo na ang mga domestic helpers.
Kabilang sa ipagbabawal sa MOU ang pagkumpiska sa cellular phone ng mga OFW, pagkumpiska ng kanilang pasaporte at pagbebenta ng mga manggagawa sa ibang amo o employers.
Nilinaw naman ni Bello na bago pa man maisapinal ang MOU at maparusahan ang mga pumatay kay Joanna Demafelis, balak na nitong irekomenda kay Pangulong Duterte ang pagbawi sa deployment ban ng mga skilled workers sa Kuwait.
Inihayag pa ni Bello na ang lalagdaang MOU sa Kuwaiti government ang magiging basehan na para matiyak ang proteksyon ng ibang OFWs sa ibang bansa.