MANILA, Philippines — Bubusisiin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kung saan napunta ang nasa P1 bilyon na environmental fees na nakolekta ng lokal na pamahalaan mula sa mga turistang dumayo sa Boracay nitong nakaraang 10 taon.
Sinabi ni DILG Assistant Sec. Epimaco Densing, nagbabayad ng P75 na environmental fee ang bawat turistang pumupunta sa tanyag na isla.
Sa rekord ng DILG, nasa milyon katao ang dumarayo sa Boracay kada taon kaya nakakakolekta ang lokal na pamahalaan ng kabuuang P150 milyon na environmental fees kada taon.
Ang nasabing environmental fees ay nakalaan sa paglilinis ng baybayin ng Boracay pero kamakailan ay pinuna ni Pangulong Duterte ang dumi ng isla at binansagan pa itong isang “cesspool.”
Isang malawakang paglilinis ang ipinatutupad ngayon ng gobyerno, kung saan pinapanagot din ang mga establisimyento na may mga paglabag sa mga environmental laws at zoning regulations.
Inatasan ng Pangulo ang DILG, Department of Tourism, Department of Environment and Natural Resources, at iba pang ahensiya na ayusin at ibalik ang ganda ng isla ng Boracay sa loob ng anim ng buwan.
Noong nakaraang linggo, nagsimula na ang mga ahensiya ng pamahalaan sa pagsasagawa ng imbestigasyon at tukuyin kung aling mga resort ang dapat ipasara dahil sa mga sari-saring paglabag.
Maging ang pananagutan ng mga lokal na opisyal dahil ilang resort ang naitayo sa Boracay kahit walang environmental clearance at building permit.
Una rito ay inirekomenda ring isara ang Boracay ng 60 araw para sa rehabilitasyon ng isla.