‘Quo warranto’ ‘di naaayon sa Konstitusyon – Koko

Ipinaliwanag ni Pimentel na sa ilalim ng Kons­titusyon, sa sandaling mailagay sa puwesto ang isang impeachable official na katulad ni Sereno, maaari lamang siyang matanggal sa pamamagitan ng impeachment at hindi sa pamamagitan ng isang “imbentong proceeding.”   
Gereme Pintolo

MANILA, Philippines — Ipinahiwatig kahapon ni Senate President Aqui­lino “Koko” Pimentel III na hindi naaayon sa Kons­titusyon ang inihaing “quo warranto petition” ni Soliticitor General Jose Calida sa Supreme Court kung saan kinukuwestiyon niya ang pagkakaluklok sa puwesto ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ipinaliwanag ni Pimentel na sa ilalim ng Kons­titusyon, sa sandaling mailagay sa puwesto ang isang impeachable official na katulad ni Sereno, maaari lamang siyang matanggal sa pamamagitan ng impeachment at hindi sa pamamagitan ng isang “imbentong proceeding.”

“Under the Constitution, the meaning of the provision literally is that once in position the following high-ranking officials can only be removed from their position through impeachment. So if you invent some other proceeding which would result in the removal from office then that should violate that provision in the Constitution,” pahayag ni Pimentel.

Sinabi ni Pimentel na “medyo malabo” ang inihaing quo warranto petition dahil pinalalabas na may iba pang paraan para matanggal sa puwesto ang isang impeachment official na katulad ni Sereno.

Pero sinabi rin ni Pimentel na trabaho ng solicitor general ang maghain ng kaso at mag tanggol ng kaso para sa gobyerno at masasabing “legitimate act” ang kanyang ginawa bagaman at hindi tiyak kung magtatagumpay siya sa kanyang petisyon.

Naniniwala rin si Pimentel na dapat ay haya­an na lamang na umusad ang impeachment complaint sa Senado dahil nakahanda naman ang mga senador na dinggin ito.

Show comments