Maute, ISIS-Phl nasa terror list na ng US
MANILA, Philippines — Itinuturing ng Malacañang na positibong development at malaking bagay sa kampanya ng gobyerno laban sa terorismo ang opisyal na pagkakasama ng Maute Group at ISIS-Phl sa US foreign terrorist organizations list.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, pinagtitibay nito ang matagal ng paniwala ng gobyerno na ang Maute Group ay binubuo ng mga local terrorist na sinusuportahan ng foreign extremists partikular ng ISIS.
Inihayag din ni Roque na ang hakbang na ito ng US ay pagkilala sa naging aksyon ng Pilipinas para mapalaya ang Marawi City mula sa mga terorista at mapigilan ang pagtatag nila ng Islamic caliphate sa lugar gayundin makontrol ang pagkalat ng rebelyon sa ibang bahagi ng bansa.
Naniniwala si Roque na tama lang na pinalawig pa ni Pangulong Duterte ang pagpapatupad ng martial law sa buong Mindanao.
Para naman kay AFP spokesman Brig. Gen. Bienvenido Datuin, malaking tulong sa Pilipinas ang hakbang ng Estados Unidos dahil magiging mas madali para sa local authorities na ma-trace ang “money trail” o foreign funding at logistic support ng mga local terrorist groups mula sa abroad.
Sinabi naman ni DND spokesperson Arsenio Andolong, ang pagdeklara ng US sa Maute at ISIS bilang foreign terror groups ay “affirmation” lang ng matagal nang alam ng Pilipinas.
Inihayag pa ni Andolong na ang mga local terror groups na ito ay mawawalan na ng access sa US financial system kasunod ng hakbang ng Amerika.
Dahil dito, magiging mas mahirap na aniya para sa Maute group at ISIS-Philippines na makakuha ng pondo para sa kanilang mga iligal na aktibidad sa bansa.
- Latest