MANILA, Philippines — Kailangan ang boto ng 16 senador para ma-convict si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ito ang sinabi kahapon ni Senate President Koko Pimentel kaugnay sa posibilidad na umakyat ang impeachment complaint sa Senado na tatayong impeachment court.
Kinumpirma rin ni Pimentel na kasama sa bilang ng mga bobotong senador si Sen. Leila de Lima na kasalukuyang nakakulong sa Philippine National Police Custodial Center.
“Yes, because member siya (de Lima) ng Senate. Who knows, malay mo, you do not disqualify just because she is detained. Kasama siya. Malay mo pagdating sa halfway or sa ending, physically (narito) na siya,” dagdag ni Pimentel.
Ipinaliwanag ni Pimentel na sa ngayon ay 23 ang bilang ng mga senador kabilang si de Lima at kailangan ang two-thirds votes para ma-convict si Sereno.
“Twenty three (23), all members of the Senate. Two-thirds of 23 is 15.33. E wala namang one-third na tao so 16 people po ‘yun (para ma-convict),” ani Pimentel.
Bagaman at 24 ang kabuuang bilang dapat ng mga senador, tinanggap naman ni dating Senator Alan Peter Cayetano ang posisyon bilang kalihim ng Department of Foreign Affairs kaya nabawasan ng isa ang Senado.
Nagpahayag naman ng pag-asa si Pimentel na isasantabi ng mga senador ang pulitika at magiging patas sa kanilang pagboto kung dapat i-convict o hindi si Sereno.