Solon sa JBC: Psycho test ni Sereno ilabas!
MANILA, Philippines — Binalaan kahapon ni House Justice Committee Chairman Reynaldo Umali ang Judicial and Bar Council (JBC) na iko-contempt kung hindi pa rin maisusumite ang psychological evaluation na isinagawa kay Chief Justice Ma. Lourdes Sereno ng mag-apply ito sa puwesto.
Sa ginanap na ika-15 at panghuling pagdinig sa impeachment laban kay Sereno, inisyu ni Umali ang direktiba matapos sabihin ni Atty. Maria Milagrosa Cayosa ng JBC, na hindi nila maaaring maisumite sa komite ni Umali ang psychological reports ni Sereno dahil sa isyu ng confidentiality.
Iginiit naman ni Umali na hindi bahagi ng doctor-patient confidentiality ang kaso ni Sereno sapagkat hindi naman ito pasyente nang nag-apply sa posisyon, bagay na sinegundahan naman ni Deputy Speaker Gwen Garcia.
Ayon kay Garcia, hindi sakop ng amended rules ng JBC ang panahon noong nag-apply si Sereno sa posisyon ng pagka-punong mahistrado.
Nauna nang ibinulgar ni Atty. Larry Gadon na bagsak umano si Sereno sa psychological evaluation sa score na 4 kung saan ang pinakamababa ay 5 na marka.
Nabatid na dalawang psychiatrist ang nagsagawa ng psychological tests laban kay Sereno na kinilalang sina Dr. Genuina Ranoy at Dr. Dulce Lizza Sahagun na sinabing maging sila ay wala ring kopya ng psychological tests ni Sereno. Joy Cantos
- Latest