MANILA, Philippines — Pagdating ng Marso ay impeached na sa Kamara si Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.
Sinabi ni House Committee on Justice Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali na bukas, araw ng Martes, ang huling pagdinig ng impeachment case ni Sereno at kanila na itong iko-consolidate para iprisinta para pagbotohan na sa unang linggo ng Marso.
Matapos pagbotohan sa komite ay ipiprisinta nila sa plenaryo ng Kamara sa ikalawang linggo ng Marso ang articles of impeachment para pa rin pagbotohan kung ibabasura ito o ipapanik sa Senado na siyang magsisilbing impeachment court.
Subalit pag-uusapan pa rin umano ng liderato ng Kamara at ng Senado kung kailan isasampa sa Mataas na Kapulungan ang articles of impeachment dahil mayroon din itong epekto sa legislative calendar ng mga senador lalo na at abala sila sa Bangsamoro Basic Law (BBL)gayundin ang Chacha, Federalism at postponement ng barangay elections.
Kaya pagsapit anya ng Marso ay impeached na sa Mababang Kapulungan si Sereno dahil sa dami rin ng na-establish nila noong mga nakaraang hearing at hindi nila ito tinitingnan na hearsay dahil 8 Justices ang humarap sa pagdinig habang wala namang kumokontra sa mga tumestigo dahil hindi sumipot ang punong mahistrado.
Wala rin umanong nakikitang panggagalingan na maaring basehan ng mga miyembro ng committee on Justice para panigan si Sereno.