MANILA, Philippines — Ang pagtatayo ng sariling partido ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ay isa umanong indikasyon na siya ang gagawing Speaker of the House of Representatives kapag siya ay tumakbo at nanalong Kongresista ng kanyang distrito.
Ito ang maugong na espekulasyon sa Mababang Kapulungan kasunod ng pagkagalit ni Duterte-Carpio sa pahayag ni House Speaker Pantaleon Alvarez na ang Davao City Mayor ay isa na ngayong oposisyon.
Ayon sa ilang mambabatas sa Kamara, maugong ang balitang nabibilang na ang araw ni Alvarez bilang Speaker dahil isa siyang divisive leader o nagbubunga ng pagkakahati ng House.
Nauna nang kinumpirma ni Duterte-Carpio na plano niyang tumakbo sa Kongreso pero hindi bilang Senador kundi bilang Representante ng kanyang distrito sa Davao.
Sa isang press conference kahapon, sinabi ni Sara na ikinagalit niya ang mga pahayag umano ni Alvarez na ang bagong tatag na partidong Hugpong ng Pagbabago (HNP) ay produkto ng political dynasties at bahagi sila ng oposisyon.
Bukod dito ayon kay Mayor Duterte, sinabi rin umano ni Alvarez na walang permiso mula sa Pangulo ang pagtatatag nila ng HNP kaya silang lahat ay bahagi ng oposisyon.
Ipinagtataka naman ng Alkalde kung bakit siya ang inaatake ni Speaker sa Davao City bagamat alam niya na may problema sila sa Davao del Norte.
Ikinagalit din niya ang pahayag ni Alvarez na may kapangyarihan siya na i-impeach ang Pangulo.
Nilinaw naman ng batang Duterte na mayroong blessing ng kanyang ama ang pagtatatag ng HNP at ipinaalam na rin niya na hindi siya sasali sa ruling party na PDP-Laban.
Nauna na rin itinanggi ni Alvarez ang mga pahayag ng Alkalde.
“Wala akong sinasabi na kabilang sa oposisyon si Sarah hindi ko alam kung saan ito nanggaling,” paliwanag ni Alvarez.
Ayon kay Alvarez, malamang may nag-fed ng maling impormasyon kay Sarah kaya nanggagalaiti ito sa galit sa kanya.
Samantala, dumistansya naman si Pangulong Duterte sa bangayan nina Sara at Alvarez.
Sa halip ay sinabi ng Pangulo na pareho namang abogado sina Mayor Sara at Speaker Alvarez at hahayaan na lamang niya ang mga itong lutasin ang hindi pagkakaunawaan.
Ayon kay Pangulong Duterte, noon pa man ay sadyang gusto na ng kanyang anak na bumuo ng grupo sa Davao.
Inihayag pa ng Pangulo na iniintriga lamang ito ngayon ng media at idinidikit sa hinalang plano umano ng anak na tumakbo sa mas mataas na posisyon o pagiging presidente.
Iginiit ni Pangulong Duterte na kung tutuusin ay ayaw na ng kanyang anak sa politika pero pinipigilan lang niya ito sa ngayon.