Giit ipatupad sa tumitinding trapik
MANILA, Philippines — Dapat nang ipatupad ang “no parking” policy sa buong Metro Manila sa gitna ng ulat na P3.5 bilyon ang nawawalang oportunidad bawat araw dahil sa malubhang trapik.
Naniniwala si Senate Majority Leader Tito Sotto na tumitindi ang problema sa trapiko dahil sa dami ng mga sasakyang naka-park sa mga lansangan.
Sinabi pa ni Sotto na dapat ipatupad ang no parking kahit pa sino ang masagasaan.
“Ayaw nilang sundin ang proposal ko eh. No parking sa buong Metro Manila. Regardless kung sino ang masasagasaan,” ani Sotto.
Nagsisiksikan aniya ang mga sasakyan sa EDSA dahil maraming lansangan ang nababarahan ng mga sasakyan na ginawa na lamang parking lots.
“Political will lang yan kasi nga barado mga city streets kaya EDSA lahat dumadaan. City streets have been converted to parking lots by cars, tricycles and other structures,” ani Sotto.
Sinabi naman ni Sen. Sherwin Gatchalian na nakakaapekto rin sa pagsama ng uri ng pamumuhay ng mga mamamayan ang matinding trapik.
Naniniwala naman si Gatchalian na dapat palawigin ang mass transportation system at dapat na ring magkaroon ng subway.
Dapat na rin aniyang mapatakbo ang mga bagon ng MRT 3 dahil makakatulong ito sa problema ng trapiko.