Phase-out sa pagpapadala ng Pinay DH sa abroad hingi
MANILA, Philippines — Naniniwala si Senator Nancy Binay na dapat nang pag-aralan ng Department of Labor and Employment at maging ng Philippine Overseas Employment Administration ang pag-phase out sa pagpapadala ng mga domestic helpers sa ibang bansa.
Ayon kay Binay, kalimitang naaabuso ang mga domestic helpers lalo na sa mga bansang walang malinaw na kasunduan ang gobyerno kaugnay sa pagbibigay ng proteksyon sa mga overseas Filipino workers.
Kung ikukumpara aniya sa mga skilled workers at mga professionals, mas nagkakaroon ng pang-aabuso at problema sa mga household helpers.
Sinabi pa ni Binay na dapat maging seryoso ang gobyerno sa pagpapatupad ng Migrant Workers’ Act at mga batas na magbibigay ng proteksiyon sa mga OFWs.
Samantala, hustisya ang kahilingan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa sinapit ng OFW na si Joanna Dimafelis sa kanyang ng kanyang mga amo makaraang pahirapan, patayin at ilagay siya sa freezer sa Kuwait.
Personal na dinalaw kahapon ni Pangulong Duterte ang burol ni Dimafelis sa Sara, Iloilo at nakiramay ito sa mga naulila ng OFW.
“It behooves upon the police of Kuwait; basta ako, the ban stays. Kung nahuli ‘yung tao, that would allow me to initiate charges,” paliwanag pa ni Pangulo sa media interview makaraang dumalaw sa burol ng OFW.
Aniya, nagsasagawa na rin ng audit ang gobyerno upang alamin kung ang ibang OFW sa iba pang bansa ay inaabuso, dumanas ng pagmaltrato upang palawakin pa niya ang pagpapatupad ng deployment ban bukod sa Kuwait. Rudy Andal
- Latest