Pagpapalawig ng termino ni Bato hindi pa tiyak kung gaano katagal
MANILA, Philippines – Hinihintay pa ni Philippine National Police Director General Ronald “Bato“ dela Rosa ang detalye sa pinahaba pa niyang termino.
Sinabi ni dela Rosa na hindi naman niya inaalam kung ilang buwan o taon ang pagpapalawig na gagawing sa kaniyang termino.
Aniya nagkita sila ni Pangulong Rodrigo Duterte kahapon ngunit hindi nila ito napag-usapan.
“Hindi ko naman tinanong kung hanggang kailan ‘yung aking extension, but I was told it's indefinite,” wika ng PNP chief.
“So antayin ko na lang na mailabas ‘yung order kung how definite is indefinite," dagdag ni dela Rosa.
Nitong Enero 21 pa sana retirado si dela Rosa base sa mandatory retirement age na 56 ngunit pinalawig ni Duterte ang kaniyang termino ng tatlo pang buwan.
Ngayong linggo lamang ay sinabi ng pangulo na muli pa niyang palalawigin ang pamumuno ni dela Rosa sa PNP.
Sinabi naman ni dela Rosa na lagi siyang nakahandang pagsilbihan ang pangulo.
Samantala, hindi naman makapagpapahinga si dela Rosa kahit matapos ang termino sa PNP dahil naghihintay sa kaniya ang Bureau of Corrections na pamumunuan din niya.
Related video:
- Latest