MANILA, Philippines — Hindi ibang tao ang turing ni Pangulong Duterte sa Rappler reporter na si Pia Ranada noong presidential campaign hanggang sa maupo ang pangulo sa Malacañang.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, parang apo na ang pagtuturing ng Pangulo kay Ranada sa kabila ng aniyay’ hindi patas na pagsusulat ng mga artikulo nito sa Chief Executive noon pa man.
Napatunayan niya aniya ito nitong nagdaang Christmas party na kung saan, halos hindi mapaghiwalay ang dalawa at masayang nagkukwentuhan bukod sa iba pang mga okasyon.
Naikuwento rin ni Roque na tila idinepensa pa nga ng Pangulo mismo si Ranada sa paraang hindi nito sinunod ang payo nuon ng SEC na huwag ng papasukin ang mamamahayag sa mga presidential coverages matapos na ipawalang-bisa ang license to operate ng Rappler nung isang buwan.
Aniya, napuno na ang Pangulo at nawala na ang tiwala nito hanggang sa magpasiya na i-ban si Ranada sa mga coverages kung saan naroroon ang Presidente.
Lumabas din sa social media kamakailan ang ginawang pag-aasikaso, pagbabantay at pagdadala mismo ni dating Mayor Duterte sa ospital kay Ranada noong itoy nasugatan sa kasagsagan ng kampanya nuong 2016 presidential elections.
“Pero ang Presidente rin ang nag-utos noong alas-dos ng hapon na talagang hindi na pupuwede ang Rappler sa Malacañang, dahil nawalan na ng tiwala ang Presidente nga diyan sa Rappler,” dagdag pa ni Roque.
“Iyan ang nangyayari kapag nawalan ng tiwala ang news source, hindi ka na pupuwedeng magka-access sa iyong news source,” paliwanag pa ni Roque.