Tindig Pilipinas kokontrahin ang pagsusulong ng Chacha, federalism sa bansa
MANILA, Philippines — Tututulan ng grupong Tindig Pilipinas ang mga hakbang ng pamahalaan sa pagsusulong ng Charter Change at federalismo sa bansa.
Sinabi ng grupo ngayong Martes na ang tunay na layunin ng pag-amyenda sa Saligang Batas ay upang palawigin ang termino ng mga kasalukuyang nasa puwesto.
“Our rights and freedoms enshrined in the 1987 Constitution – the very freedoms our elders 32 years ago fought for against a corrupt, tyrannical regime are under attack because of the Duterte administration’s move to change the Constitution in order to keep their grasp in power,” pahayag ng Tindig Pilipinas.
Bumwelta din ang miyembrong si Magdalo Rep. Gary Alejano kay House Speaker Pantaleon Alvarez hinggil sa umano’y hindi maayos na pagpapaliwanag ukol sa panukalang Charter Change.
“Hindi nila naiintindihan kung ano ang laman ng pagbabago ng Konstitusyon. Ang laging sinasabi maganda ito sa buhay parang, panacea to the problem eh hindi naman sinasabi kung ano ang talagang nasa likod niyan,” sabi ni Alejano.
Nagpasaring din siya sa panghahamon ni Philippine National Police chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa sa mga kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte na magsimula ng giyera o kudeta.
Matatandaang sinabi ni Dela Rosa na handa ang kapulisan sa mga umano’y planong destabilisasyon laban sa pangulo.
“Siya ang Chief PNP ng buong sambayan at hindi siya private army ni Duterte. Dapat ang kanyang loyalty ay nasa Konstitusyon, nasa taumbayan,” wika ni Alejano.
Bumanat din ang grupo sa biro ni Duterte na bakit hindi na lamang gawing probinsya ng China ang Pilipinas.
“It talks about territorial integrity. It talks about our own sovereignty. Napakahirap naman na mismong Pangulo natin nagsasabing mabuti pang maging probinsya tayo ng China,” sabi pa ni Alejano.
“Parang nakalimot ang Pangulo sa napakahabang paglaban natin para sa kalayaan,” wika naman ng miyembro din at dating Presidential Adviser on Peace Process Ging Deles.
May ikinakasa naman ang grupo na kilos-protesta sa paggunita ng ika-32 anibersaryo ng EDSA People Power sa linggo upang ipanawagan ang anila’y pagtutol sa charter change at ang sinasabi nilang diktadura sa ilalim ng administrasyong Duterte.
- Latest