Sa ‘di pagdedeklara ng SALN
MANILA, Philippines — Sinampahan ng kaso sa Sandiganbayan si dating Sulu Gov. Abdusakur Tan at kanyang anak na si Maimbung Mayor Samier Tan dahil sa hindi umano tamang pagdedeklara ng yaman sa kanilang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN.
Limang kaso ng paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees ang isinampa laban sa nakatatandang Tan dahil sa hindi paghahain ng SALN mula 2007-2011 habang dalawang kaso ang isasampa sa kanyang anak na si Samier na hindi naghain ng SALN mula 2010-2011.
Inirekomenda ng korte ang tig-P10,000 piyansa para sa bawat kaso sa mag-amang Tan para sa kanilang pansamantalang paglaya.
Ang hindi paghahain ng SALN ay may kaakibat na pagkakakulong na aabot hanggang limang taon at multang P5,000. Samantala, maaari rin na pagbawalan ng korte ang akusado na muling makahawak ng anumang puwesto sa gobyerno.