Teo itinanggi ang pagsama ng make-up artist, utility clerks sa biyahe sa ibang bansa
MANILA, Philippines — Pinabulaanan ni Tourism Secretary Wanda Teo nitong Biyernes ang mga paratang na kanya umanong isinama ang ilan sa kanyang office staff kabilang ang make-up artist at utility clerks sa kanyang mga biyahe sa ibang bansa.
Sa isang pulong-balitaan, nilinaw ni Teo na hindi make-up artist ang kanyang kasama sa mga biyahe kundi isang executive assistant.
“Ito po ay executive assistant of the Office of the Secretary. I am entitled to an EA. Hindi po siya make-up artist,” wika ng kalihim.
Ayon sa mga dokumento na nakuha ng The Star, bukod pa sa umano’y make-up artist ay kasama rin ni Teo sa ilang foreign trips noong 2016 at 2017 ang driver at utility clerks na sumakay sa isang cruise ship
Inamin naman ng kalihim na may mga bumiyahe sakay ng cruise ship ngunit dumepensa na hindi ito ginastusan ng pamahalaan sapagkat ito ay ibinigay sa kanila nang libre.
“Star Cruise gave us 10 cabins because partner namin ang Star Cruise at DOT... wala pong gastos ang gobyerno doon because it was for free,” sambit ni Teo.
“Binigay ko sila sa mga taong mabababa because they have been with the DOT for 30 years but they never had travels,” dagdag niya.
Matatandaang sinibak sa pwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ilan sa mga opisyal ng gobyerno na umano’y naging magastos sa madalas na pagbiyahe sa ibang bansa.
Dahil dito, naglabas ang Malacañang nitong Enero ng guidelines hinggil sa mga foreign trips ng mga opisyal ng pamahalaan.
Sa ilalim ng guidelines, kailangang may kinalaman sa mandato ng opisyal ang biyahe, kailangan na hindi labis o magastos, at dapat ay may pakinabang na makukuha ang bansa sa mga ito.
Dinepensahan naman si presidential spokesperson Harry Roque ang mga biyahe ni Teo at sinabing bahagi ang pagbiyahe sa mandato ng ahensya.
Sa huli, iginiit ni Teo na ayaw niya nang bumiyahe ngunit kailangan dahil bahagi ito ng kanyang trabaho.
“Kung tutuusin lang, I don’t want to travel anymore because I have been to these places many, many times. But because it is my mandate, I have to go out,” pahayag ng kalihim.
“I did not go to these places. I’ve been to these places when I was in the private sector,” pagpapatuloy niya.
- Latest