Labi ng Pinay sa freezer dumating na

Napaiyak si Jessica habang yakap ang ataul ng kapatid na si Joana Demafelis, ang Pinay domestic helper na pinatay at isinilid sa isang freezer sa isang apartment sa Kuwait. Dumating kahapon ang labi sa NAIA at nakatakda ring iuwi sa probinsiya nito sa Iloilo.
Rudy Santos

MANILA, Philippines — Napahagulgol sa iyak ang pamilya ni Joanna Demafelis nang salubungin ang bangkay nito matapos dumating sa Pair Cargo warehouse ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) lulan ng Gulf Air flight GF154 via Bahrain, kahapon ng umaga.

Si Demafelis ang Pinay domestic helper na pinatay sa bugbog ng mga amo nito at saka isiniksik sa loob ng freezer sa isang inabandonang apartment sa Kuwait.

Ang labi ni Demafelis ay dadalhin ngayong umaga sa probinsiya niya sa Sara, Iloilo.

Sasagutin ng OWWA ang lahat ng gastusin sa pasahe ng pamilya at ilan pang kaanak.

Kasama ring sumalubong sa labi ni Joana sina Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano, OWWA administrator Hans Cacdac, DOLE Usec. Jing Paras, ACTS OWF Party-list Rep. Aniceto John Bertiz at iba pang mga miyembro ng Volunteers Against Crime and Corruption.

Kaugnay nito, sinabi ni Cayetano na tiniyak na sa kanila ng Kuwaiti government na gagawin nila ang lahat para mahabol at mapanagot ang mga pumatay kay Joanna at naglagay sa kanyang bangkay sa loob ng freezer sa loob ng isang taon.

Sinabi ni Cayetano, nagpaabot ng pagkagalit ang Kuwaiti government sa insidente at nais din nilang makamit ang hustis­ya para sa Pinay domestic helper.

Samantala, wala pa ring lusot ang recruitment agency na nagpadala kay Joanna sa Kuwait.

Ang mga OWWA welfare officers naman na diumano’y nagpabaya sa kanilang tungkulin noong humihingi ng tulong ang pamilya ng biktima ay ini-recall sa OWWA main office para sa isang masu­sing imbestigasyon.

Napag-alaman sa autopsy report, nagtamo ng bali sa mga ribs at mga latay sa iba pang parte ng katawan ang biktima mula sa kanyang mga amo na naging sanhi umano ng kamatayan nito.

Ayon sa ulat, nakiki­pagtulungan ang mga opisyal ng gobyerno sa bansa sa INTERPOL para malaman kung nasaan ang mga suspek na nagtatago para panagutin sa karumal-dumal na pagpatay na ginawa nila sa biktima.

Related video:

Show comments