Comelec nangangamba na baka mawalan ng interes ang mga Pinoy sa eleksyon
MANILA, Philippines – Nangangamba ang Commission on Elections (Comelec) na baka mawalan ng interes ang mga botante, partikular ang mga kabataan, sa eleksyon kung sakaling muling ipagpaliban ang pagdaraos ng paparating na barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections.
Sinabi ni Comelec spokesman James Jimenez nitong Huwebes na maaaring hindi na bumoto ang mga Pilipino dahil sa sunod-sunud na kanselasyon ng mga halalan.
“Recent pronouncements on the possibility of postponing the 2018 barangay and Sangguniang Kabataan elections will most likely dampen the enthusiasm of voters, particularly the youth who stand to face another year or more without their elected community youth leaders,” wika ni Jimenez.
Hindi din aniya tama ang posibleng postponement ng halalan gayong ayon kay Jimenez ay ipinakita ng nagdaang eleksyon ang kahandaan at kagustuhan ng mga Pilipino na makialam sa mga pampulitikal na gawain sa pamamagitan ng pagboto.
Isinusulong ni House justice committee chairman at Oriental Mindoro Rep. Rey Umali ang muling pag-urong ng barangay at SK elections sa Oktubre na nakatakda sanang maganap sa Mayo 14.
Ani Umali, mas maganda kung uunahin ang plesibito para sa pagbalangkas ng bagong Saligang Batas bago ang eleksyon upang hindi mahati ang atensyon ng Kongreso.
“I am really for no elections this May. Why? The timeline is too tight, and we need to finish our draft of the Constitution in time for the plebiscite,” sambit ng mambabatas.
Samantala, tiniyak din Jimenez na nakahanda ang kanilang ahensya kung sakaling matuloy o hindi ang eleksyon.
Pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Oktubre 2016 ang batas na nag-urong sa halalan mula Oktubre 31, 2016 patungong Oktubre 23, 2017 dahil umano sa patuloy na kalakaran ng ilegal na droga sa mga barangay.
Muli namang ipinagpaliban ang eleksyon noong Oktubre 31 at nakatakdang maganap ngayong Mayo.
- Latest