Anti-political dynasty law muna bago Chacha

MANILA, Philippines — Naghain si Senador Bam Aquino ng panukalang magbabawal sa political dynasty sa bansa, sa pagsasabing kaila­ngang maipasa ang batas kontra dinastiya bago ang anumang pagkilos para amyendahan ang 1987 Constitution.

“Kailangan nating ipasa ang anti-political dynasty law nang mabilisan, lalo na ngayong may banta ng Cha-Cha at pinipilit ang Pedera­lismo,” wika ni Sen. Bam, may-akda ng Senate Bill No. 1688.

Ayon kay Sen. Bam, mismong 1987 Constitution na ang nagbaba­wal sa political dynasty, ngunit kailangan pa ng batas upang ito’y mai­patupad.

Kapag naisabatas, ipagbabawal ng Senate Bill No. 1688 ang asawa, o hanggang sa tinatawag na third degree of consanguinity o affinity sa isang nakaupong halal na opisyal na humawak o tumakbo sa anumang posisyon sa parehong lalawigan sa parehong eleksiyon.

Kapag ang nakaupong opisyal ay sa national level, ang mga nabanggit na kamag-anak ay hindi maaaring tumakbo sa lalawigan kung saan re­gistered voter ang opisyal.

Kung alinman sa mga kandidato ay walang kaugnayan sa nakaupong halal na opisyal ngunit sila ang mismong magkamag-anak, sila at kanilang mga asawa ay hindi maaaring humawak o tumakbo sa parehong lalawigan sa parehong eleksiyon,

Sa lahat ng sitwasyon, walang tao na nasasakupan ng third degree of consanguinity o affinity sa nakaupong opisyal ay hindi papayagang pumalit sa posisyon ng huli.

Umaasa ang senador na ang isang anti-political dynasty law ay magbibi­gay ng mas maraming pagpipilian sa mga Pilipino tuwing halalan.

Show comments