Anti-political dynasty law muna bago Chacha
MANILA, Philippines — Naghain si Senador Bam Aquino ng panukalang magbabawal sa political dynasty sa bansa, sa pagsasabing kailangang maipasa ang batas kontra dinastiya bago ang anumang pagkilos para amyendahan ang 1987 Constitution.
“Kailangan nating ipasa ang anti-political dynasty law nang mabilisan, lalo na ngayong may banta ng Cha-Cha at pinipilit ang Pederalismo,” wika ni Sen. Bam, may-akda ng Senate Bill No. 1688.
Ayon kay Sen. Bam, mismong 1987 Constitution na ang nagbabawal sa political dynasty, ngunit kailangan pa ng batas upang ito’y maipatupad.
Kapag naisabatas, ipagbabawal ng Senate Bill No. 1688 ang asawa, o hanggang sa tinatawag na third degree of consanguinity o affinity sa isang nakaupong halal na opisyal na humawak o tumakbo sa anumang posisyon sa parehong lalawigan sa parehong eleksiyon.
Kapag ang nakaupong opisyal ay sa national level, ang mga nabanggit na kamag-anak ay hindi maaaring tumakbo sa lalawigan kung saan registered voter ang opisyal.
Kung alinman sa mga kandidato ay walang kaugnayan sa nakaupong halal na opisyal ngunit sila ang mismong magkamag-anak, sila at kanilang mga asawa ay hindi maaaring humawak o tumakbo sa parehong lalawigan sa parehong eleksiyon,
Sa lahat ng sitwasyon, walang tao na nasasakupan ng third degree of consanguinity o affinity sa nakaupong opisyal ay hindi papayagang pumalit sa posisyon ng huli.
Umaasa ang senador na ang isang anti-political dynasty law ay magbibigay ng mas maraming pagpipilian sa mga Pilipino tuwing halalan.
- Latest